552 total views
Mga Kapanalig, may bagong opisyal na mapa ang Pilipinas.
Dahil iyan sa pinirmahang batas ni Pangulong BBM na pinamagatang Philippine Maritime Zones Act. Ang mapang pinagtitibay ng batas na ito ay nakabatay sa mga pamantayan o standards na itinakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea (o UNCLOS). Ang UNCLOS ay isang pandaigdigang kasunduan na naglalatag ng mga alituntunin para sa anumang gawain sa mga karagatan. Layunin ng dokumentong ito na linawin ang mga karapatan at pananagutan ng mga bansa tungkol sa paggamit sa karagatang nakapalibot sa mga ito at sa pangangasiwa sa mga likas na yamang matatagpuan sa mga ito.
UNCLOS din ang basehan ng hangganan ng tinatawag na territorial waters at exclusive economic zones (o EEZ). Sakop ng territorial waters ang karagatang pasok sa 12 nautical miles mula sa tinatawag na baseline ng isang bansa kung saan may soberenya ito. Ang EEZ naman ay may kinalaman sa eksklusibong karapatan ng isang bansa para galugarin at pakinabangan ang likas na yamang nasa loob naman ng 200 nautical miles.
Paulit-ulit na nilinaw ang mga terminong ito lalo na noong pagkatapos manalo ng Pilipinas sa kasong isinampa natin laban sa China sa International Tribunal for the Law of the Sea noong 2016. Kinuwestyon kasi natin ang “nine-dash line” na ipinagpipilitan ng China na batayan ng hangganan ng kanilang teritoryo sa South China Sea. Sinabi rin ng tribunal na guilty rin ang China sa paglabag sa tinatawag na sovereign rights natin sa ating EEZ. Pinanghihimasukan kasi ng dayuhang bansa ang ating mga proyektong layong alamin ang yamang-dagat sa bahaging ito ng ating teritoryo. Nagtayo rin ang China ng mga artificial islands at hinayaan lang na mangisda ang kanilang mga mamamayan sa dagat na tayo dapat ang unang nakikinabang dahil pasok nga ito sa ating EEZ.
Hulyo 2016 nang lumabas ang makasaysayang desisyon na ito ng tribunal. Pero kasabay ng pagpasok ng administrasyong Duterte noon ang pagbalewala sa pagkapanalo natin sa kasong binunô ng ating pamahalaan simula noong 2013. Sa katunayan, sinabi pa ng dating Pangulong Duterte na “piece of paper” o isang pirasong papel lamang ang arbitral ruling. Itatapon lamang daw niya iyon sa basurahan.
Dumaan ang mga taon at nakita natin kung paano binalewala ang mahalagang desisyon na iyon. Pumabor sa ating bansa ang pandaigdigang korte, batay na rin sa mga batas at patakarang pinagkasunduang sundin ng mga bansa. Pero hindi natin ito pinanindigan dahil maaari daw itong pagsimulan ng giyera sa pagitan ng Pilipinas at China. Sa halip na ipagtanggol ang ating karapatan sa West Philippine Sea, tumanggap pa ang gobyerno natin ng mga investment pledges mula sa China. Ilang beses ding itinaboy ng mga Tsino ang mga kababayan nating nangigisda lamang sa karagatang matagal na nilang pinagkukunan ng kanilang kabuhayan.
Ganito rin kaya ang mangyari sa bago nating mapa, lalo na kung mauupo sa puwesto ang sinumang kadikit ng nakaraang administrasyon?
Huwag sana. Hindi dapat.
Gusto natin ng “kapayapaang nagbubuklod sa [mga tao],” gaya ng ipinahihiwatig sa Efeso 4:3. Utak-pulbura, ‘ika nga, ang sinumang nagsasabi na giyera ang kahahantungan ng paninindigan ng isang bansa para sa mga karapatan nito. Masalimuot ang pulitikang kinapapalooban ng iba’t ibang bansa, pero ang lahat ay inaasahang pairalin ang kapayapaan at pagkakasunduan. Maging sa mga panlipunang turo ng Simbahan, partikular na ang Pacem in Terris, pinahahalagahan ang pagtutulungan ng mga bansa nang sa gayon ay magampanan nila ang kanilang mga tungkulin at makamit ang kanilang mga karapatan nang walang pangamba.
Mga Kapanalig, sa pamamagitan ng bagong mapa ng Pilipinas, mas mag-alab sana ang ating pagtindig para sa ating bayan.
Sumainyo ang katotohanan.