598 total views
Nagpapasalamat si Cebu Archbishop Jose Palma sa pagkakaroon ng isa pang katuwang na obispo sa Archdiocese of Cebu.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Archbishop Palma, mahalaga ang pagkatalaga ni Bishop-elect Ruben Labajo upabg makatulong sa pangangasiwa ng may limang milyong populasyon ng mga katoliko sa lalawigan.
“Malaking tulong ito, malaking biyaya dahil napakalaki ng [Archdiocese of] Cebu at alam natin yung mga pastoral ministry na kailangan ng serbisyo ng obispo kaya nagpapasalamat kami sa Diyos at sana sabayan ninyo kami nitong pasasalamat,” pahayag ni Archbishop Palma sa Radio Veritas.
Itinakda ang pagdiriwang ng ordinasyon ni Bishop-elec Labajo sa August 19, ganap na ika-siyam ng umaga sa Cebu Metropolitan Cathedral.
Nananawagan din si Archbishop Palma sa mananampalataya nang patuloy na pananalangin sa mga pastol ng simbahan upang manatiling matatag sa kanilang tungkulin na paglingkuran ang mamamayan tulad ng mga halimbawa ni Hesus.
“Ipanalangin po ninyo kami mga obispo na maging ganap sa aming tungkulin na talagang ‘servant leader’; ang aming buhay ay buhay gaya ng mabuting pastol na nagsisilbi sa mamamayan,” ani Archbishop Palma.
June 23 nang italaga ni Pope Francis si Bishop-elect Labajo bilang auxiliary Bishop ng Cebu katuwang ni Archbishop Palma at Bishop Midyphil Billones.
Buong kababaang-loob namang tinanggap ng bagong talagang obispo ang bagong misyon sa simbahan.
Sa halos 30-taong pagiging pari ilan sa mga ginampanan ni Bishop-elect Labajo ang pagiging Parish vicar sa Mandaue City, Santa Fe Parish sa Bantayan Island, at St. Joseph Parish sa Tabunok Talisay, Cebu Metropolitan Cathedral, habang noong 2017 naging bahagi ang pari sa Council of Consultors, Episcopal Vicar sa unang distrito ng arkidiyosesis at kasapi ng Presbyteral Council.