222 total views
Sa pagbubukas ng taon, nagtalaga ng bagong Obispo sa Diyosesis ng Daet ang kaniyang Kabanalan Francisco si Bishop-elect Rex Andrew Alarcon.
Si Bishop-elect Alarcon ay itinalaga ni Pope Francis bilang ika-apat na obispo ng Diyosesis ng Daet na siyang humalili sa iniwang posisyon ng noo’y si Bishop Guilbert Garcera na una ng itinalaga bilang Arsobispo ng Lipa, Batangas noong 2017.
Ang 48 taong gulang na si Bishop-elect Alarcon ay isinilang noong August 6, 1970 sa Daet, Camarines Sur at nagtapos ng Philosophy sa Holy Rosary Major Seminary sa Naga City at Theology sa University of Santo Thomas.
Siya ay inordinahan bilang pari sa Archdiocese of Caceres noong November 9, 1996 at nagsilbing vicar sa Saint John the Evangelist Parish sa Naga at nagturo sa minor seminary.
Taong 2001 nang makumpleto ang licentiate sa Church history sa Pontificate Gregorian University sa Roma, Italya.
Sa pagbabalik sa bansa, siya ay naging lecturer sa Holy Rosary seminary, naging Superintendent ng Naga Parish School, pangulo ng Catholic Association of Education at tagapagsalita ng Archdiocese ng Caceres.
Ang Diyosesis ng Daet ay may higit sa 500,000 mga katoliko na may 30 mga parokya at pinangangasiwaan ng may 66 na mga pari.
Sa pagkakatalaga kay Bishop-elect Alarcon, siyam pang mga diyosesis sa bansa ang wala pang nangangasiwang obispo kabilang na ang Butuan, Iligan, Isabela Basilan, Malolos, San Jose de Antique, San Jose Mindoro, Taytay at Military Ordinariate.