1,434 total views
Tiniyak ng bagong pastol ng Diocese of Gumaca ang patuloy na pakikilakbay sa humigit kumulang isang milyong nasasakupan.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Euginius Cañete, MJ, ikinatuwa nito ang mainit na pagtanggap ng mga mananampalataya ng ng diyosesis na binubuo ng mga lugar sa katimugan ng lalawigan ng Quezon.
“Batay sa kanilang mga mensahe sa pagdating ko rito, napaka-organisado na ng simbahan dito so i-aangat ko pa ang paglalakbay ng mamamayan tungo sa pagiging isang simbahang sinodal. Nawala yung kaba ko nung dumating ako sa Gumaca nang makita ko ang kanilang mainit na pagtanggap,” pahayag ni Bishop Cañete.
Sinabi pa ng obispo na bilang pastol ay mangunguna ito sa pagiging boses ng mga mahihina at naisasantabing sektor ng lipunan upang marinig ang hinaing at pangangailangan ng tao lalo’t ang diyosesis ay kadalasang nalalantad sa mga kalamidad na nakapipinsala sa pamayanan.
“Sisikapin namin na mapalakas ang tinig ng simbahan para marinig ng ating pamahalaan ang pangangailangan ng mga mahihirap at mga inaapi,” ani Bishop Cañete.
Tiniyak ni Bishop Cañete ang pakikinig sa 79 na mga paring magiging katuwang sa pagpapastol sa diyosesis gayundin ang pakikinig sa nasasakupang kawan upang higit maisabuhay ang synodal church na ninanais ng Papa Francisco.
Nais nitong dalawin ang 29 na mga parokya lalo na ang mga nasa malalayong lugar upang maipadama ang makaamang pagkalinga at pagpapastol sa mananampalataya.
“Gusto kong makita yung mga nasa malalayong lugar para maramdaman kong kami ba talaga ay simbahang nakapag-reach out sa kanila, lalo na ang kanilang basic needs,” dagdag ng obispo.
Pinasalamatan ni Bishop Cañete ang santo papa sa pagtitiwalang gampanan ang gawaing pagpapastol ng diyosesis lalo’t kasabay ng pag-anunsyo sa kanya ay ang pagtatapos din sa huling bahagi ng Synod on Synodality sa Vatican.
Ginawaran ng episcopal ordination si Bishop Cañete noong December 28 sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral sa pangunguna ni CBCP President, Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David katuwang sina Cebu Archbishop Jose Palma at Antipolo Bishop Ruperto Santos.
Pormal namang iniluklok ang obispo sa San Diego de Alcala Cathedral ng Gumaca nitong January 4, 2025 sa ritong pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles Brown habang nagbigay naman ng pagninilay si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Si Bishop Cañete ang kahaliling obispo kay Bishop Victor Ocampo na pumanaw noong March 2023 habang pinsalamatan naman nito si Fr. Ramon Uriarte na nagsilbing tagapangasiwa ng diyosesis nang mahigit isang taon.