667 total views
Humingi ng panalangin si Diocese of Lucena Bishop elect-Mel Rey Uy sa mga mananampalataya upang gabayan ito ng Panginoon sa kanyang kahaharaping bagong tungkulin.
Ayon kay Bishop Uy, tiyak na maraming pagsubok ang kanyang haharapin bilang bagong Obispo ng Diocese of Lucena.
Gayunman, naniniwala si Bishop Uy na makakayanan niya ang lahat sa tulong ng kanyang pananalig sa Diyos at ng pagtitiwala at dasal ng mga mananampalataya.
“Sa mga taga-Romblon please pray for me, paki pangamuyo gid sa akon, sa nabaton ko nga misyon, di ni dali-dali so, nagapangayo gid ako pangamuyo ninyo na pagatabang nga matakuran ko, labanan ko ining misyon nga ging taon sakon sa Santo Papa ug ginoong Hesukristo,”[Hinihiling ko ang panalangin ninyo para matugunan ko ang bagong misyon na binigay sa atin ng ating Santo Papa at Panginoong Hesukristo.]panawagan ni Bishop elect Uy sa panayam ng Veritas Pilipinas program ng Radyo Veritas.
Ipinapangako rin ng pari sa mga layko at mga pari ng Diocese of Lucena na gagawin nito ang lahat ng kanyang makakaya upang maging mabuting pastol at matularan ang mabubuting halimbawa ni Hesukristo.
“Sa mga taga-Lucena, please huwag kayo mag- expect so much from me… What I can promise is I will just do my best na maging proximate na good shepherd as our Lord, kahit man lang kaunting pagiging good shepherd ay at least. [At] lalong lalo na sa mga kaparian ng Diocese ng Lucena, Please don’t expect so much from me mga brother priest, we’ll just try to serve our Lord, with all our strength, with all our honesty and with all humility.”pahayag ni pari
Si Father Mel Rey Uy ang kasalukuyang Diocesan economous ng Romblon, director ng Diocesan Commission on Liturgy at Diocesan Pastoral Secretariat.
Nakatakda itong humalili kay Bishop Emilio Marquez na umabot sa kanyang canonical retirement age na 75.
Ipinanganak ang pari sa San Agustin, Romblon, noong January 6, 1968 at nakapagtapos ng kanyang philosophical studies sa San Pius X Seminary sa Roxas City.
Nakuha naman ni Fr. Uy ang kanyang theology sa University of Santo Tomas sa Maynila, gayun din ang kanyang master’s degree in philosophy.
Naordinahan itong pari noong May 24, 1994 at ilan sa kanyang mga naunang tungkulin ang pagiging spiritual director sa San Lorenzo Seminary sa Romblon noong 1995 hanggang 1996; director ng Holy Rosary Academy sa San Augustin, Romblon (1995-2000); guro sa San Lorenzo Seminary at Parish Priest ng Our Lady of Mount Carmel Parish sa Carmen, San Agustin (1998-2004); Parish priest sa San Antonio de Padua Parish sa Agnipa, Romblon at diocesan Chancellor (2004-2009).
Samantala mula sa 86.8-milyong mga katolikong Filipino, umaabot naman sa 952,045 ang populasyon ng mga Katoliko sa Diocese of Lucena.