1,096 total views
Itinalaga nang Kanyang Kabanalan Francisco si Daet Administrator Fr. Ronald Anthony Timoner bilang obispo ng Diocese of Pagadian.
Isinapubliko ng Vatican ang appointment nitong April 2, alas dose ng tanghali sa Roma habang alas sais ng gabi naman sa Pilipinas.
Matatandaang 15 buwang sede vacante ang diyosesis nang pumanaw si Bishop Ronald Lunas noong January 2, 2024.
Ang 53 taong gulang na pari ay ipinanganak noong 1971, nagtapos ng pilosopiya sa Holy Rosary Major Seminary sa Naga City at theology naman sa University of Santo Tomas.
May 1, 1997 nang maordinahang pari si Bishop-elect Timoner sa Diocese of Daet sa Camarines Norte, ginampanan ang ilang gawain sa iba’t ibang parokya gayundin ang pagiging formator ng Holy Trinity College Seminary ng Daet.
Naging chancellor ng diyosesis sa pamumuno ni Archbishop Gilbert Garcera bago maitalagang arsobispo ng Lipa habang vicar general naman sa panahon ni Archbishop Rex Andrew Alarcon hanggang maitalagang arsobispo ng Naga.
Nang maging sede vacante ang Daet itinalaga ang pari bilang tagapangasiwa at kasalukuyang pinangunahan ang paghahanda sa ordinasyon ni Daet Bishop-elect Fr. Hernan Abcede, RCJ na itinakda sa May 1.
Si Bishop-elect Timoner ang nakababatang kapatid ni Fr. Gerard Francisco Timoner, OP, ang ika – 88 at kauna-unahang Asyanong Masters of the Preachers ng Dominican order.
Ikinatuwa naman ni Pagadian Administrator, Ozamiz Archbishop Martin Jumoad ang pagkatalaga kay Bishop-elect Timoner kasabay ng kahilingang panalangin sa bagong pastol sa mahigit isang milyong katoliko ng Pagadian.
“The Long wait is over. After 15 months , Rome has answered our prayers. People of the Diocese of Pagadian are happy that we have a new bishop. We believe the Lord has gifted the Diocese with a Bishop who has the heart of God. Let’s pray for him,” pahayag ni Archbishop Jumoad sa Radio Veritas.