427 total views
Inanunsyo ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes ang paghirang ng Kanyang Kabanalan Francisco sa magiging bagong Obispo ng Diyosesis na si Bishop-Elect Jose Alan Verdejo Dialogo.
Ginawa ito ng Obispo matapos siyang pahintulutan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Abp. Gabriele Giordano Caccia na gawin ang paghahayag sa Misa ng Ordinasyon ng tatlong bagong pari sa Diocese of Sorsogon, sa Sts. Peter and Paul Cathedral, ika-15 ng Oktubre.
Ang anunsyo ay ginawa ni Bp. Bastes, dakong alas onse ng umaga, una ng pitong oras sa pormal na deklarasyon na magmumula sa Vatican, dakong alas sais ng gabi sa Pilipinas.
“I receive a letter from the Nuncio dated October 11, and it is supposed to be announced tonight in the Philippines because we are 7 hours ahead from Rome. But since the Nuncio knows that a big crowd of people are here, all the priests are here, many religious, the seminarians and lay people, he allowed me to announce it 7 hours before the official announcement in Rome and also all the press in the Philippines.” Pahayag ni Bishop Bastes.
Si Bishop-Elect Jose Alan Verdejo Dialogo, 57-taong gulang, na anak ng mga yumaong sina Jose Dialogo at Eufracia Verdejo, ay isinilang sa Lagonoy, Camarines Sur noong ika-10 ng Hulyo, 1962.
Agad na lumipat ang kan’yang pamilya sa Naga City, kaya naman nag-aral ito ng elementarya sa Naga Parochial School.
Matapos ang elementarya ay pumasok na ito sa Holy Rosary Minor Seminary sa Naga City noong 1974.
Taong 1978 nang magtapos siya sa sekondarya, pumasok si Bishop-Elect Dialogo ng kolehiyo subalit makalipas ang isang taon, 1979, ay lumipat na ito sa College of Divine Word Mission Seminary na kilala din bilang Christ the King Seminary sa Quezon City.
Taong 1980, iniwan nito ang seminaryo at nagpatuloy ng pag-aaral sa University of Nueva Caceres, doon ay nagtapos siya ng kursong AB Public Administration, at taong 1982 ay nagtrabaho bilang isang guro sa Peña de Francia College sa Naga City.
Ipinagpatuloy ni Bishop-Elect Dialogo ang kan’yang mga pag-aaral sa BS Behavioral Science sa Ateneo de Naga University, nagtapos ng Master’s Degree in Psychology sa University of Nueva Caceres, at dalawang taong nag-aral ng Law.
Taong 1989, bumalik siya sa seminaryo sa St. Camillus Seminary sa Marikina, subalit makalipas ang isang taon, ay nag-apply ito sa Military Diocese, at nag-aral sa Holy Apostles Senior Seminary, Guadalupe, Makati.
Ika-31 ng Hulyo, 1996, naordinahan bilang pari si Bishop-Elect Dialogo at nagpa-incardinate sa Archdiocese of Manila.
Matapos ang kan’yang ordinasyon bilang pari ay itinalaga siyang Parochial Vicar ng San Roque Parish sa Mandaluyong.
Taong 1997 hanggang 1999 naman ay nag-aral ito sa Ignatian Spirituality Centre sa Pontifical Gregorian University sa Roma, kung saan nakuha niya ang Licentiate in Spirituality.
Sa pagbabalik niya sa Pilipinas ay naitalaga naman si Bishop-Elect Dialogo bilang Vice Rector ng Holy Apostles Senior Seminary (HASS).
Taong 2002 ay siya naman ang naitalagang rector ng HASS, 2005 ay naging Vice Rector ng EDSA Shrine at 2008 ay naging Kura Paroko ng St. John of the Cross Parish sa Pembo, Makati.
Matapos ang pitong taon sa parokya, taong 2015 hanggang sa kasalukuyan ay naglilingkod si Bishop-Elect Dialogo bilang rector ng Cardinal Sin Welcome Home, na nangangalaga sa mga may sakit at retiradong pari.
Bukod sa kan’yang paglilingkod bilang pari ng Archdiocese of Manila, si Bishop-Elect Dialogo ay Founder din ng Manto Nin Pagkamoot (Mantle of Love) Children’s Foundation, Inc., sa Naga City.
Itinatag niya ito noong siya ay 50 taong gulang dahil sa kan’yang adbokasiya at pagmamahal sa mga ulilang bata.
Sa kasalukuyan, itinatayo ang isang children’s village sa Naga City sa ilalim ng Manto Nin Pagkamoot Children’s Foundation, Inc.