438 total views
Homiliya para sa Huwebes ng Ika-20 Linggo ng Karaniwang Panahon, 18 Agosto, 2022, Mt 22:1-14
Pasensya na po at napaka-violent ng binasa nating talinghaga. Isa ito sa mga parables sa Gospel of Matthew na medyo shocking ang dating. Kailangan pang himayin nang konti para maunawaan.
Maiintindihan mo naman kung bakit naghuramentado sa galit ang hari sa mga inimbita niya ayon sa kwento. Iyung iba sa kanila, hindi lang ipinagwalang-bahala o dinedma ang imbitasyon niya. Aba, minaltrato pa raw ang mga messengers niya. Ang iba naman ay pinagpapatay nila. Sabihin na nating nainis sila sa kakulitan ng nag-iimbita. Pero bakit naman hahantong pa sa pagpaslang sa mga taong inutusan lang para mag-follow up ng imbitasyon?
Di ba, meron talagang mga taong pursigido sa pag-iimbita, lalo na kung talagang napaka-espesyal ng okasyon nila? At meron namang mga taong ang isasagot pag inimbita sila ay “Titingnan ko.” O kaya, “Pipilitin ko.” O “Baka sakali siguro kung malibre ako.” Hindi pa nga naman talagang OO iyon. Kaya kailangan pa ng follow up.
Mabuti sa panahon natin madali nang mag-follow up by text, email, o tawag. Noong panahong iyon, personal ang imbitasyon kaya personal din ang follow-up for confirmation. Sa French tradition, isinusulat sa invitation card, RSVP, na ang simpleng kahulugan ay “sumagot ka naman please, oo ba o hinde?”
Kung babasahin lang natin nang literal ang kwento, di natin makukuha ang punto. Magandang clue ang ating first reading kay Ezekiel. Isa itong orakulo na darating daw ang panahon na lilikha ang Diyos ng isang “bagong bayan”. Papalitan niya ang kanilang mga pusong bato. Bibigyan sila ng bagong puso, isang bagong diwa. Papalitan ang kanilang mga pusong bato ng mga pusong laman. Sa kolokyal na Pinoy, “pusong mamon.”
Obvious ang tinutumbok ng talinghaga. Hindi ito tungkol sa literal na kasalan at handaan. Tungkol ito sa relasyon ng Diyos sa bayang Israel: na sa dinami-dami ng mga bansa sa mundo, siya pa ang napili niya upang maging kanyang katipan. Ibig sabihin, umoo na ang Israel sa panliligaw ni Yahweh, sa kanyang imbitasyon na sila’y maging kanyang bayang pinili.
Ang kasalanan ng katipan ay pagkalimot sa kanyang sinumpaan. Naging salawahan siya. Pinagbuhatan pa ng kamay ang mga sugong propeta ng Diyos, ang mga messengers na wala namang ibang layunin kundi ang magpaalala sa sinumpaan. Kaya kumbaga sa kantang Leron-leron Sinta, “Kapos-kapalaran, humanap ng iba.”
Humanap ng ibang iimbitahin ang Diyos, ibang makakasalo sa piging ng kaharian. Pero meron pa rin siyang expectation sa mga dadalo. Isang kasalan nga naman ito, kaya magsuot ka naman ng nararapat na damit pangkasal. Huwag mong insultuhin ang okasyon ng ikinakasal. Tayo ang tinutukoy dito. Tayo na hindi naman kasama sa bayang pinili ng Diyos.
Pinaaalalahanan tayo na imbitasyon ay grasya; hindi mo ito pakikinabangan kung hindi mo kusang-loob na tutugunan, kung hindi mo kayang sundin ang mga patakaran sa kasunduan ang tinatawag nating Sampung Utos. “Ten Commitments”, imbes na “Ten Commandments”, dahil hindi naman sapilitan ang mga ito. Walang kabuluhan kung aalisin sa konteksto ng isang paaanyaya sa isang tipanan o kasunduan.
Kamakalawa, nagkumpil ako sa isang parokya. Ipinaalala ko sa mga kinumpilan ko na ang sakramentong ito ay kakambal ng binyag. Confirmation sa Ingles, ibig sabihin, PAGPAPATIBAY. Kasi aminado tayo na ang binyag ng mga musmos ay mahina pa. Wala pa kasing kusang-loob na pagtugon. Ang nangako ay hindi ang biniyagan kundi ang mga magulang, mga ninong at ninang. Sila ang umako sa responsibilidad na imulat sila, upang sa takdang panahon sila na mismo ang magpapatibay sa tinanggap nila nang kusang-loob.
Noon pa lang nagsisimula ang pananampalataya. Kung walang pagkukusa, ang pinag-uusapan natin ay relihiyon lang; hindi pa matatawag na pananampalataya. Madaling itapon, isantabi, o limutin. Sa kusang-loob na pagtugon, noon pa lang nagsisimula ang pananampalataya.
Ilan kaya ang totoong Kristiyano sa Pilipinas? Ewan ko. Kung Kristiyano ang majority sa atin dahil lang nagkataong “predominantly Christian country” ang Pilipinas, ibig bang sabihin kung sa Thailand tayo isinilang, malamang Buddhist tayo? O kung sa Indonesia naman, malamang Muslim tayo? Ganyan ang usapin tungkol sa relihiyon, namana lang o nakagisnan, hindi pinili.
Marami daw ang tinawag ngunit kakauti ang napili. Kakaunti pa ang kusang-loob na pumapasok sa isang tipanan at bukal sa loob na yumayakap sa pananagutang mahalin ang Diyos nang buong puso at ang kapwa nang gaya ng sarili.