164 total views
Mga Kapanalig, maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa ating lahat!
Magandang paalala sa atin sa araw na ito ang mga salita noon ni Pope St John Paul II: “Do not abandon yourselves to despair. We are the Easter people and hallelujah is our song.” Sa Filipino: huwag nating hayaang malugmok tayo sa kawalang-pag-asa. Tayo ay mga nilalang ng Pasko ng Pagkabuhay, at aleluya ang himig na ating inaawit.
Tunay ngang mapanghamon ang kasalukuyan nating panahon. Kalbaryo ngang maituturing ang ating pinagdaraanan bilang isang bayan, at hindi madaling makakita ng liwanag sa gitna ng kadiliman, lalo na kung parating nakatatakot na mga balita ang naririnig natin at mga nakadidismayang hakbang at salita ang ibinibigay ng mga taong inaasahan nating pamamahalaan nang maayos ang nangyayaring krisis.
Ito ang kalagayang haharapin ng bago nating arsobispo rito sa Arkidiyosesis ng Maynila—si Cardinal Jose Fuerte Advincula ng Capiz. Itinalaga siya ni Pope Francis bilang kapalit ni Cardinal Luis Antonio Tagle, na ngayon ay nasa Vatican bilang Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples. Labinlimang buwan ding bakante ang posisyong iniwan ni Cardinal Tagle, ngunit mahusay namang pinangasiwaan ang arkidiyosesis ni Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na tumayo bilang ating Apostolic Administrator. Pasalamatan natin si Bishop Pabillo dahil nagsilbi siyang pastol natin dito sa arkidiyosesis sa panahong nahaharap tayo sa matinding krisis na dulot ng nagpapatuloy na pandemya. Maging siya ay nahawahan ng sakit na ito, ngunit lakas-loob pa rin siyang naglingkod sa ating Simbahan.
Paglilingkuran ni Cardinal Advincula ang pinakamalaking arkidiyosesis sa Pilipinas. Ang ating arkidiyosesis ay may tatlong milyong Katoliko at binubuo ng 80 parokya sa malalaking lungsod dito sa Kalakhang Maynila. Ngunit lampas pa rito ang kanyang magiging tungkulin. Bilang pinuno ng pinakamalaking arkidiyosesis sa bansa, malaki rin ang inaasahan sa kanya lalo na sa mga usaping panlipunang nakaaapekto sa atin. Linawin nating hindi siya ang kinatawan ng buong Simbahang Katoliko sa Pilipinas at hindi rin siya ang pinuno ng lahat ng obispo sa ating bansa, ngunit maituturing nating tangan niya ang natatanging tungkulin na maging gabay ng mga mananampalataya, kahit pa sa mga isyung sa paniniwala ng ilan ay hindi na saklaw ng ating Simbahan katulad ng pulitika at ekonomiya.
Sa bagay na ito, maganda ring balikan ang paalala naman ni Pope Francis sa mga paring kabilang sa Pontifical Mexican College sa Roma noong Lunes Santo. Aniya, sa harap ng malalaking hamon sa ating mundo ngayon—katulad ng karahasan, hindi pagkakapantay-pantay, pagkakahati-hati, katiwalian, at kawalang pag-asa—nangangailangan ng mga pari—o mga pastol ng Simbahan—na iniaayon ang kanilang sarilli kay Hesus at nagtataglay ng tinatawag niyang “gaze of love”—o titig ng pag-ibig—na mayroon si Hesus sa atin.
Kung may ganitong katangian ang mga pari, paliwanag ni Pope Francis, ang kanilang pagtingin sa kanilang kawan ay nagbabago at nagiging pagtitig ng paglalambing at pagmamalasakit, pagbabalik-loob, at pagkakapatiran. Sa pagtitig nang may paglalambing, natatanggap natin ang lahat at nang walang kinikilingan. Sa pagtitig na layong magkaroon ng pagbabalik-loob, nagbubuklod ang lahat para sa panunumbalik ng katarungan. Sa pagtitig na hangad ang pagkakapatiran, napagbabahaginan natin ang ating mga ugnayang mahalaga sa pagbubuo ng isang mundong nagtutulungan ang lahat.
Mga Kapanalig, ang Pasko ng Pagkabuhay ay bagong simula para sa ating Simbahan—lalo na para kay Cardinal Advincula. Ipagdasal natin siya upang magabayan niya tayo sa gitna ng unos na ating nararanasan bilang isang Simbahan at bilang isang lipunan. At panghawakan natin ang pahayag ng anghel tungkol sa muling pagkabuhay ni Hesus sa Mateo 28:5: “Huwag kayong matakot.” Kapiling natin si Hesus. Buháy Siya at kapiling natin ngayon.