12,664 total views
Mga Kapanalig, kumusta ang naging takbo ng eleksyon sa inyong barangay kahapon? Sana naman ay naging tahimik, maayos, at malinis ang pagboto sa mga uupo sa inyong pamahalaang pambarangay at sa Sangguniang Kabataan. Wala sanang naging aberya. Wala sanang naging dayaan.
Ang barangay ay tinatawag na basic political unit sa ating bansa. Ito ang pangunahing tagapagplano at tagapagpatupad ng mga programa ng gobyerno, kabilang ang paghahatid ng mga batayang serbisyo at mga proyektong dapat na pinakikinabangan ng mga mamamayan. Sa barangay din dapat naririnig ang boses ng mga tao, lalo na sa mga usaping direktang nakaapekto sa kanila, kabilang ang pag-aayos ng mga hidwaan at alitan ng mga magkakabarangay. Sa madaling salita, sa barangay nagsisimula ang demokrasya.
Kumbaga sa isang barkong pampasahero, ang punong barangay ang tumatayong kapitan habang ang mga kagawad naman ang kanyang mga katuwang sa pagtitiyak na maayos ang kalagayan ng sasakyan at ng mga pasahero. Ang SK naman ang nakatutok sa mga kabataang sakay ng barko. Sa biyaheng ito, dapat na marunong ang kapitan at ang kanyang mga kasamahan sa pagtitiyak na tutungo sa tamang destinasyon ang kanilang mga nasasakupan.
Ang kaibahan nga lamang, tayong mga pasahero ang pumili sa mga magiging kapitan ng sinasakyan nating barko. Tayong mga botante ang pumunta sa presinto upang isulat sa balota ang pangalan ng mga pagkakatiwalaan nating magpapatakbo ng ating barangay. Maaaring hindi nanalo ang pinili natin, ngunit kailangan nating igalang ang pinili ng mas nakararami. At kahit magkakaiba ang ating ibinoto, nananatili tayo sa iisang barko. Maglalayag ito sa gabay ng mga nanalo sa eleksyon.
Kaya naman, hindi natatapos sa pagboto natin kahapon ang pakikilahok natin sa ating barangay. Sa loob ng tatlong taon, pamumunuan ang ating barangay ng mga nanalong kandidato. Maikling panahon ito kung tutuusin ngunit maraming maaaring mangyari. Kaya mahalagang tinututukan natin ang mga may hawak ng manibela ng barkong sinasakyan natin—ang ating barangay.
Maaari ninyong sabihin, “Marami akong ibang pinagkakaabalahan. Wala na akong panahon sa pagbabantay sa barangay.” O kaya naman, “Mahirap madamay sa pulitika. Hayaan na lang natin silang mamuno.” Pwede ring, “Pare-pareho lang naman silang marurumi sa gobyerno. Basta bumoto na lang ako.”
Hindi masisisi ang ilan sa ating ganito ang pananaw sa pamamahala, ngunit mas marami pa rin sana sa atin ang pipiliing makialam sa gobyerno. Bakit? Dahil tayong lahat ay mga pasahero sa barkong kanilang minamaneho. Apektado tayong lahat—mabuti man o hindi ang pamamahala ng ating mga ibinoto.
May mga paraan naman upang alamin kung paano ginagampanan ng mga nasa pamahalaang barangay ang sinumpaan nilang tungkulin. Isa rito ang pagdalo sa barangay assembly. Isa itong mekanismo upang masuri ng mga mamamayan ang mga nagawa ng mga barangay officials. Ito rin ang pagkakataon para makapagmungkahi ang mga tao ng kapakipakinabang na mga programa at proyekto. Nagre-report din sa barangay assembly ang mga opisyal sa kanilang naging paggastos sa pondo ng barangay. Idinaraos ito dalawang beses taun-taon—isang araw sa Marso at isang araw sa Oktubre. Nasubukan na ba ninyong dumalo sa barangay assembly? Sa darating na taon, bakit hindi kayo dumalo sa pagtitipong ito?
Mga Kapanalig, sa Catholic social teaching na Laudato Si’, sinabi ni Pope Francis: “local individuals and groups can make a real difference.” Ang pagbabagong ito ay maaari nating masaksihan sa ating mga barangay, kung tayo ay magtutulungan at kung tayo ay makikialam sa buhay ng ating barangay. “Tayong lahat ay bahagi ng isa’t isa,” wika nga sa Roma 12:5, kaya’t pakaisipin sana nating ang paglahok sa barangay—kahit man lang sa pagdalo sa barangay assembly—ay isang paraan ng pagmamalasakit sa isa’t isa. Maging bahagi sana tayo ng bagong simula sa ating barangay.
Sumainyo ang katotohanan.