385 total views
Ang Bagong Taon ay palaging may hatid na pag-asa sa bawat isa.
Ito ang pagninilay ni Diocese of Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Social Communications kaugnay sa pagtatapos ng taong 2018 at pagsisimula ng panibagong taong 2019.
Ayon sa Obispo, tanging Diyos lamang ang nakakaalam sa anumang mangyayari sa bawat araw kaya’t marapat lamang na patuloy na manalig at manampalataya sa kaloob na biyaya ng Panginoon para sa bawat isa.
Inihayag ni Bishop Vergara na bagamat walang katiyakan ang mga maaring maganap sa pagsisimula ng panibagong taon ay hindi dapat na mawalan ng pag-asa ang sinuman sa atin na biyaya ng Panginoon.
“Ang Bagong Taon ay palaging naghahatid ng pag-asa sa atin, hindi natin alam ang magaganap sa bawat araw ang Diyos lamang ang nakakaalam pero maliwanag naman sa atin na sa gitna ng lahat hindi tayo nag-iisa sa pagpasok ng 2019 ang pag-asa ay si Hesus, ang pag-asa ay Panginoon ay sumaatin”. pahayag ni Bishop Vergara sa panayam sa Radio Veritas.
Naunang inihayag ng Obispo na ang Pasko at ang kapanganakan ni Hesus ay nagsisilbing patunay sa pag-asang hatid ng Panginoon para sa bawat isa.
Paliwanag ni Bishop Vergara, ang pagsilang at pagkakatawang tao ni Hesus ay nagsisilbing liwanag na patuloy na namamayani at nagsisilbing tanglaw sa gitna ng dilim na bumabalot sa daigdig.
Samantala kasabay naman ng paggunita sa unang araw ng Bagong Taon sa January 1, 2019 ay Dakilang Kapistahan ni Maria Ina ng Diyos.
Kaugnay nito, sinabi ng Obispo si Maria ang perpektong huwaran ng pagsunod sa kalooban ng Diyos na bagamat hindi madali ang misyong iniatang ng Panginoon ay hindi ito nagdalawang isip na tanggapin ang kalooban ng Panginoon.
Inihayag ng Obispo na maituturing si Maria na patnubay at taga-pamagitan ng bawat isa sa Panginoon na siyang naglalang at nagbigay buhay sa bugtong na anak ng Diyos.
“Alam naman natin tuwing January 1 ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ni Maria Ina ng Diyos, si Maria na Ina ng Diyos ay kapatnubay din natin, siya din ay alam natin kasama din natin sa pamamagitan ng panalangin at inspirasyon sa lahat ng kanyang isinabuhay, alam naman natin na para lang tanggapin ang kalooban ng Diyos na maging Ina ng Kataas-taasan ay hindi naging madali kaya nga si Maria ay nagsisilbi din na huwaran sa atin para sundin ang kalooban ng Diyos…” Dagdag pa ni Bishop Vergara.
Ang Pilipinas ay kilala bilang ‘Pueblo Amante de Maria’ o bayang sumisinta kay Maria kung saan mula sa 21 pambansang dambana ay mayroong 10 dambana ang nakatalaga sa ilalim ng pangangalaga ng Birheng Maria.
Bukod dito, malaking bilang ng mga parokya mula sa 86 na diyosesis sa buong bansa ang may titulo ng Mahal na Birhen habang mayroon ring mahigit sa 40 imahen ng Mahal na Birhen na ginawaran ng ‘Canonical Coronation’ sa buong bansa.
Gugunitain din kasabay ng ay Dakilang Kapistahan ni Maria Ina ng Diyos ang 52nd World Day of Peace 2019 na may temang “Good Politics is at the Service of Peace” kung saan una ng binigyang diin ni Pope Francis na malaking ang papel na ginagampanan ng mga opisyal ng pamahalaan sa pagkamit ng pangkabuuang kapayapaan sa buong daigdig.