3,457 total views
Homiliya para sa Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos, Unang Araw ng Enero, 2023, Luk 2:16-21
“Bagong Taon ay magbagong-buhay.” Ito ang pinakasikat at madalas nating ulit-uliting kantang pamasko, “Ang Pasko ay sumapit”. Ano ba ang nagpapabago sa buhay natin? Ito ang pagnilayan natin ngayong gabi, bago pumasok ang bagong taon.
Pero bago ang lahat, magkukuwento muna ako. Dahil siguro lumaki ako sa isang malaking pamilya, pang-sampu sa labingtatlo at pang-anim sa mga lalaki, hindi ako nasanay sa bago noong bata pa ako. Ang mga suot ko noon, mga “hand-me-downs”. Hindi lang segunda mano. Minsan tatlo, apat o limang beses nang pinagpasahan ng mga nakatatandang mga kuya ko. Kaya hindi ako nasanay magpabili ng bagong damit. Kung anong meron, okey na iyon.
Pero may kapatid akong mahilig sa bago. Naikuwento niya sa akin na noong malapit na siyang gumradweyt ng grade six, kinulit niya ang nanay ko na ibili siya ng bagong sapatos. Naglambing siya nang husto, sumuyo, nagsipag sa bahay, at inulit-ulit na bagong sapatos lang naman ang pangarap niya para sa graduation niya.
Minsan daw, gumising nang maaga ang nanay para mamalengke, dala ang basket niya. Pero bago lumabas, binuksan muna ang aparador na pinaglalagyan namin ng mga sapatos. Dahil parang may hinahalungkat siya, nagising ang kapatid kong nagpapabili ng sapatos. Nakita niya si nanay, inilabas sa aparador ang lumang pares ng sapatos na butas na ang suwelas. Isinupot at nilagay sa basket niya at lumabas na siya at nag-abang ng jeep para magtungo ng bayan.
Hindi niya alam binuntutan pala siya ng kapatid ko dahil masama ang kutob. Sumakay din ng jeep at parang secret agent na nagmanman. Nakita niya na bumaba ang nanay ko sa may repair shop ng sapatos. Tama nga ang kutob niya.
Umuwi siyang malungkot. Noong araw bago siya gumradweyt, hinihingi niya ang bagong sapatos na pinangako sa kanya. Hindi sumagot si nanay. Basta nilabas sa aparador ang isang bagong kahon na nakabalot pa ng panregalo. Nang buksan niya, umasim ang mukha niya. Umiyak siya, “Alam ko namang hindi bago ito, pinarepair mo lang. Tatlo na nga sa mga kuya ko ang nagsuot nito. Niloloko mo naman ako, ima, e. Nasundan nga kita sa bayan noong araw na pinarepair mo ito.”
Maghapon daw siyang nagtampo, ayaw kumain. Kaya kinausap siya at nagsorry ang nanay at pinaliwanagan siya. “Sorry anak ha. Alam ko nangako ako. Pero wala kasi tayong pambili ng bago ngayon. Pag ginastos ko sa sapatos ang naitabi kong konting pera, baka walang ipambayad ng tuition sa college ang kuya mo. Dahil noon lang niya narinig na nagsorry ang nanay ko ngumiti na siya. Sabi daw niya, “Di bale, ima, mahusay naman ang pagkaka-repair: bago ang suwelas, bago ang takong, bago ang tali, at bagong shine pati. Parang bago na rin.” At masaya siyang gumradweyt.
Hindi niya nalimutan ang karanasan niyang iyon. Siguro dahil nagbago rin ang paningin niya sa nanay ko, at naramdaman niya na parang natuto siyang umunawa sa sitwasyon. Parang feeling niya nag-mature siya.
Ang Misang ito ay bihilya, hindi lang ng bagong taon, kundi ng Kapistahan ni Mariang Ina ng Diyos. Ang ebanghelyong binasa natin ay ang kasunod ng kuwento ng panunuluyan na binasa naman natin noong Paskong hatinggabi.
Masakit ang pinagdaanan nina Maria at Jose sa Bethlehem. Ayon kay San Lukas, hindi daw sila pinagbuksan sa oras ng kanilang pangangailangan. Pero hindi sinabi ni San Lukas na “itinanim ni Maria ang mga bagay na iyon sa kanyang puso”. Kung minsan, kapag nasaktan ka sa pakikitungo ng isa, dalawa, o ilang tao, kapag nagtanim ka ng sama ng loob, parang kang nadadala, parang nakukulayan na ang paningin mo kahit sa ibang tao. Parang ayaw mo nang magtiwala sa kapwa. Iisipin mo na lahat ng tao ganoon din—maramot, malupit, walang pakialam, walang malasakit sa kapwa. Na parang walang kakaiba; na parang pare-pareho lang ang lahat.
Pero may ibang mga karanasan na pwedeng magpabago sa ating pananaw. Katulad ng pagbasa ngayong gabi. Hindi naman totoong walang nagpatuloy sa kanila sa Bethlehem. Meron naman, di ba? Ang mga pastol; sila ang dumamay sa kanila. Ano bang tahanan meron ang mga abang pastol kundi ang mga sabsaban kasama ang mga alaga nila? Silang mga pinakaaba ang nagmagandang-loob sa kanila, hindi mga mayayamang kamag-anak sa lahi ni Haring David na marahil ay nakarinig ng tsismis tungkol sa intriga sa buhay ni Jose, kaya hindi sila pinagbuksan. Minsan kung sino pa ang walang-wala, siya pa ang mas mabilis magmalasakit sa kapwa.
Ang malasakit na iyon ang tinandaan ni Maria at itinago sa kanyang puso. Iyon ang nagpabago sa pananaw niya sa mga taga-Bethlehem. Naalala pa ba ninyo iyong ikinuwento ko sa inyo noong 2019–nang mag-overheat ang ang sasakyan ko sa expressway at, dahil bagong taon ay walang mekaniko sa gas station? Di ba’t naikwento ko na may lumapit at nag-alok na kung magdadala daw kami ng maraming tubig, mailalabas pa namin ang sasakyan sa expressway para ma-repair niya sa bahay niya.
Nakalabas nga kami ng expressway pero pumasok kami sa liblib at madilim na lugar at akala ko hoholdapin niya ako. Sa iskwater pala siya nakatira, walang kalsada, walang kuryente, barong-barong ang tirahan. Pagdating sa bahay niya naglock pa ako sa loob sa takot na baka pukpukin ako at nakawan. Pero hindi pala siya masamang tao.
Matapos niyang magawa ang sasakyan ko, noon ko nakita na napakabuti pala niyang tao. Niyaya pa ako sa loob ng barong-barong niya at pinakilala sa akin ang asawa na may kargang sanggol na kapapanganak pa lang noong Christmas. Pinakain pa ako sa kanilang munting dampa. Kung kinunan ko ng picture ang mag-anak na nakasalo ko, baka tinawag ninyong Pinoy na Belen. Hinding-hindi ko malimutan iyon dahil talagang parang nakasalo ko sa hapag ang Sagrada Pamilya. At iyon ang mismong taon na in-appoint ako ni Pope Benedict na maging obispo: 2006, seven months later.
Para bang inihanda ako ng karanasan na iyon. Na bago ako mahirang na obispo, binago muna ng Panginoon ang pananaw ko sa mga dukha. Ang daming mga taong ang konsepto sa mga lugar ng mga dukha, lalo na sa mga iskwater ay pugad ng mga kriminal, pusakal ng lipunan, addict at magnanakaw. Ang akala kong manghoholdap sa akin, siya palang tutulong sa akin. At di ba nabanggit ko nga sa inyo na Joseph pa mandin ang pangalan niya?
Sabi ni San Lukas, “tinandaan at pinagnilayan” ni Maria ang mga pangyayari. Iyon ang nagpabago sa pananaw niya. Iyon din ang maaaring magpabago sa mga buhay natin. Mahalaga na tinatandaan natin ang nakaraang mga pagkakamali para hindi na ulitin sa kasalukuyan. Tinatandaan natin ang mga pagpapalang dumarating sa buhay natin para maisabuhay natin ang buhay bilang pasasalamat.
Ang bagong taon ay ipinagdiriwang din natin bilang pandaigdigang araw ng kapayapaan. Ang pinakaimportanteng pagbabagong pananaw na pwedeng magpabago ng ating mga buhay ay iyong sinasabi ng refrain ng madalas nating marinig na kantang “Lord make me an instrument of your peace.”
Paano maging daan ng kapayapaan? Magbago ng pananaw sa buhay. Na kung ibig mong unawain ka, ang susi ay umunawa ka. Na kung ibig mong tumanggap, ang susi ay magbigay. Na kung ibig mong patawarin ka, ang susi ay magpatawad. Na kung ang hangad mo ay walang hanggang buhay, ang susi ay kahandaang mag-alay ng buhay. Manigong bagong taon po sa inyong lahat.
(Photo below is a painting of the Birhen ng mga Aeta by Edgar Nucum at the Apu Mamacalulu Shrine in Angeles City)