239 total views
Kapanalig, ang bagong taon ay nagdadala ng bagong pagkakataon upang mas mapagbuti pa natin ang ating buhay. Ito ay nagdadala ng pag-asa na maabot pa natin ang mga layunin na hindi natin naabot ng mga nakaraang taon.
Isa sa mga mahahalagang layunin ng ating lipunan ay ang pagbibigay pagkakataon sa mga bata na makapag-aral. Ang early childhood education ay isa sa mga mahahalagang salik ng edukasyon ng mga bata. Kadalasan, kapag edukasyon ang pinag-uusapan, ang kamahalan ng kolehiyo at pribadong edukasyon ang pinakamatingkad na isyu. Ang usaping early childhood education ay hindi nabibigyan ng parehong importansya.
Ayon sa UNICEF at Save the Children, napakahalaga ng early childhood education. Hindi lamang ito pagkakaton upang sila ay matuto, ito rin ay pagkakataon para sa sosyalisasyon at preparasyon para sa pormal na pag-aaral.
Kaya nga lamang, ayon sa Save the Children, ikatlo o one third lamang ng mga bata sa Pilipinas ang may access sa de-kalidad na early childhood development classes. Maraming dahilan o causes ang sitwasyong ito. Una, maraming mga remote areas sa ating bayan. Marami tayong mga bulubundukin at isla kung saan ang mga imprastraktura at pasilidad ay mahirap itaguyod. Malaki rin ang bilang ng mga nakatala at hindi nakatalang bata na may disabilities at marami-rami rin ang mga IPs o indigenous peoples. Meron din tayong mga lugar kung saan may mga conflict o kaguluhan.
Ngayon sanang taon, mabigyan ng ibayong atensyon ang early childhood education, at nawa’y malampapasan ang mga balakid sa access ng maralita dito. Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, ang mandatory kindergarten ay nagdala ng malaking benepisyo sa maralita. Noong 2008, 47.2% lamang ng mga bata sa pinakamahirap na sektor sa ating bansa ang pumasok sa pre-school, kumpara sa 82.1% ng mga bata sa upper-middle income families. Noong 2013, dahil ginawang mandatory ng pamahalaan ang kinder, 92.2% ng mga bata sa pinakamahirap na pamilya ang pumasok na ng pre-school, humabol na sa 98.3% pre-school attendance ate ng mga may-kaya sa bansa.
Kapanalig, ang edukasyon ay may malakas na pwersa upang mapantay-pantay ang sangkatauhan. Ang Populorum Progresso, bahagi ng ating Panlipunang Turo ng Simbahan ay may matingkad na pahayag ukol dito: “Ang basic education ay pangunahing salik ng kahit anumang plano para sa pagsulong. Ang kawalan ng edukasyon ay para ding kawalan ng pagkain—nakakatapak sa dignidad ng tao. Ang kakayahan magbasa at magsulat ay isang paraan upang mabigyan natin ng kumpyansa ang ating sarili at madiskubre na kaya pa lang nating sumulong sa buhay kasabay ng iba.”