547 total views
Ang pagsisimula ng bagong taon ay isa ring pagkakataon upang makapagbagong buhay.
Ito ang payo ni Diocese of Legazpi Bishop Joel Baylon kaugnay sa pagsisimula ng bagong taong 2021.
Ayon sa Obispo na siya ring Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) matapos ang lahat ng mga pagsubok na kinaharap ng sambayanan noong nakalipas na taong 2020 lalo’t higit mula sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic ay mas higit na kinakailangan ang pagbabago ng sarili at mga gawi.
Paliwanag ni Bishop Baylon, ang pagsisimula ng bagong taong 2021 ay isang pagkakataon upang maipamalas at maisabuhay ang lahat ng mga aral na idinulot ng nagdaang taon na hindi lamang nagpaunawa sa kahalagahan ng pangangalaga at pagkakaroon ng matibay na kalusugan at pangangatawan kundi maging sa pagpapatibay ng pananampalataya ng lahat upang malampasan ang kawalan ng katiyakan at mga pangamba sa buhay.
“Bagong taon ay magbagong-buhay, nang lumigaya ang ating bayan… – so we sing! Indeed, we need a change of attitude in life. This is year will surely be filled with realizations and learnings from what the previous year has taught us. Above all we learned that we cannot rely on our strength alone, on our wisdom, our own ambitions, our efforts to change or control our lives.” Ang bahagi ng pagninilay ni Legazpi Bishop Joel Baylon sa Radyo Veritas.
Binigyang diin rin ng Obispo na ang bagong taong 2021 ay isang pagkakataon upang tupdin at ganap na isakatuparan ang mga nasirang plano at mga naudlot na pangarap dahil sa maraming limitasyong naidulot ng pandemya sa paraan ng pamumuhay ng bawat isa.
Pagbabahagi ni Bishop Baylon hindi dapat mawalan ng pag-asa ang sinuman sa kabila ng anumang kabiguan ng naranasan noong nakalipas na taon sapagkat hindi kailanman pababayaan ng Panginoon ang kanyang mga anak.
“Let us lay down our dreams before the God of Life. We shall plant and farm again. We shall again build our homes. We shall persevere again in our jobs. And we shall make our lives better because the Lord is with us. May He always be in our company.” Dagdag pa ni Bishop Baylon.