67,800 total views
Green jobs at digital jobs – mga bagong usbong na trabaho para sa Pilipino.
Ang green jobs, kapanalig, ay tumutukoy sa mga trabaho na nakakatulong sa pangangalaga at pagpapanatili ng kalikasan. Kabilang dito ang mga trabaho sa renewable energy, waste management, sustainable agriculture, at iba pang sektor na naglalayong bawasan ang negatibong epekto sa kalikasan. Sa Pilipinas, ang pag-usbong ng green jobs ay naglalayong tugunan ang mga isyu sa environmental sustainability at climate change. Handa na ba ang mga Pilipino sa mga trabahong gaya nito?
Ang renewable energy sector, halimbawa, ay nag-aalok ng maraming oportunidad sa mga Pilipino. Sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng solar, wind, at hydroelectric power, hindi lamang natin natutugunan ang pangangailangan sa enerhiya, kundi nababawasan din ang pagdepende sa mga fossil fuels na nakakapinsala sa kapaligiran. Ang mga trabaho sa sector na ito ay nagbibigay ng pagkakataon para sa mga manggagawa na magkaroon ng stable at makabuluhang trabaho habang tumutulong sa pangangalaga ng kalikasan.
Kasabay ng pag-usbong ng green jobs, ang digital jobs ay naging mas popular din sa Pilipinas. Ang digital jobs ay mga trabaho na gumagamit ng teknolohiya at internet. Kabilang dito ang mga trabaho sa information technology, e-commerce, digital marketing, online education, at marami pang iba. Ang paglaganap ng digital jobs ay bunga ng mabilis na pagbabago sa teknolohiya at globalisasyon. Na-maximize na ba ng mga Pilipino ang mga makabagong digital jobs na ito?
Bagama’t maraming oportunidad ang green at digital jobs, may mga hamon din na kailangang harapin. Ang kakulangan sa kaalaman at kasanayan ay isa sa mga pangunahing balakid sa pagkuha ng mga trabahong ito. Upang matugunan ito, mahalaga ang patuloy na edukasyon at pagsasanay para sa mga manggagawa. Ang mga programa ng gobyerno at pribadong sektor na naglalayong magbigay ng skills training at edukasyon ay mahalaga upang matulungan ang mga Pilipino na makasabay sa mga pagbabago sa ekonomiya at mga bagong trabaho na ito.
Isa pang hamon ay ang kakulangan sa imprastruktura, lalo na sa mga rural na lugar. Upang masigurong lahat ng Pilipino ay may access sa mga oportunidad na hatid ng green at digital jobs, mahalagang mapabuti ang internet connectivity at iba pang teknolohikal na imprastraktura sa buong bansa. May access man kasi sa mga rural areas, kapanalig, pero hindi lahat kaya ito, dahil na rin sa presyo at sa liit ng kita. Kaya nga mga tingi-tingi na data lamang ang hawak ng marami nating kababayan. Hindi ito sapat para sa trabaho o kahit raket man lang. Hirap din kumuha ng mga teknikal at green jobs dahil hindi pa sapat ang mga training at kasanayan na binibigay para sa mga ganitong trabaho.
Ang pag-usbong ng green at digital jobs sa Pilipinas ay nagbibigay ng maraming oportunidad para sa mga manggagawa at sa buong bansa. Kailangan natin akapin ito para sa sustainable development ng ating bayan. Kailangan natin tumutok sa edukasyon, pagsasanay, at pagpapabuti ng imprastruktura upang ating ma-maximize ang mga bagong oportunidad na ito. Hindi lamang trabaho ang biyaya nito, kundi pati ang pagsulong ng isang mas luntiang at makabagong Pilipinas. Alinsunod ito sa biyaya ng trabaho, na nakasaad sa Gadium et Spes: When people work, they not only alter things and society, they develop themselves as well. They learn much, they cultivate their resources, they go outside of themselves and beyond themselves… these advances can supply the material for human progress.
Sumainyo ang Katotohanan.