1,985 total views
Itinalaga ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula si Fr. Reginald Malicdem bilang Vicar General at Vice Moderator Curiae ng arkidiyosesis.
Magiging katuwang ni Cardinal Advincula si Fr. Malicdem sa pangangasiwa sa arkidiyosesis gayundin sa pamumuno ng ilang administrative affairs.
Kasalukuyang pinamumunuan ni Fr. Malicdem ang Mary Mother of Hope Mission Station sa Landmark at SM Makati makalipas ang pitong taong paninilbihang rector ng Manila Cathedral.
Samantala magpapatuloy pa rin si Msgr. Jose Clemente Ignacio sa paglilingkod bilang Vicar General at Moderator Curiae ng RCAM.
Matatandaang makalipas ang isang taong paninilbihan ni Cardinal Advincula sa arkidiyosesis ay nagpatupad ito ng reshuffling sa mga pari gayundin ang pagpapatupad ng Team Ministry sa mga parokya.
Kamakailan ay nagtalaga ang arsobispo ng Episcopal Vicars sa limang lunsod na sakop ng RCAM at Vicar Forane sa mga bikaryato.
Hiling ni Cardinal Advincula sa tatlong milyong nasasakupang mananampalataya ang patuloy na panalangin para sa mga pastol ng simbahang magampanan ang kanilang tungkuling kalingain ang kawang ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga.