198 total views
Hinikayat ng Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang sambayanang Filipino na ipanalangin ang bagong yugto ng bansa sa bagong pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Cardinal Tagle, matapos ang makasaysayang halalan ay hinahamon ang sambayanang Filipino at mananampalatayang Katoliko na ipagpatuloy ang pagmimisyon.
Inihayag ni Cardinal Tagle na kapuri-puri ang ginawang pagboto at pagbabantay ng mga Filipino para sa isang malinis, tapat at kapani-paniwalang halalan noong nakaraang buwan ng Mayo.
“Patuloy nating ipanalangin ang ating minamahal na bansa ngayong mayroon tayong panibagong yugto sa kaniyang kasaysayan at pinasasalamatan din po natin ang lahat ng mga mamamayang Filipino na nakilahok sa ating banal na tungkulin noong halalan. Ang pagboto ay isang banal na tungkulin. Salamat po sa nakiisa sa pagboto, gayundin sa pagpapanatili ng isang maayos malinis at kapani-paniwalang eleksyon. Pinasasalamatan din po natin ang lahat ng mga naging volunteers ng PPCRV at iba pang mga grupo na nakilahok sa edukasyon at pagpapanatili ng kaayusan ng eleksyon,” bahagi ng pasasalamat ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas.
Pagkatapos nito,hinimok ni Cardinal Tagle ang lahat na ipagpatuloy ang pagmimisyon sa bayan.
“At sa bawat yugto ng buhay, lahat tayo isinusugo ni Hesus. Pero ito po huwag tayong magmamataas, huwag lalaki ang ating ulo. Sabihin natin pinadala ako ni Hesus,”pahayag ng Cardinal.
Ipinaliwanag ng Cardinal na magagawang tama ang pagmimisyon sa pamamagitan ng pagkalinga sa kapwa tulad ng mapag-arugang ina sa kanyang anak.
Higit sa lahat, sinabi ni Cardinal Tagle na sinusugo tayo sa pagmimisyon bilang tao na maging mabait at maamong tupa sa gitna ng mababangis na asong gubat.
Sinabi ng Arsobispo ng Maynila na ang paghahari ni Hesus ay hindi kapangyarihan upang mambusabos ng kapwa kundi isang mababa,mahinahon at mapagmahal na kordero.
Inihayag ni Cardinal Tagle na isinugo tayong lahat bilang mga kordero sa mundong marahas, sa mundong matigas ang puso, sa mundong halos walang kinikilalang kapwa.
Ngayong taon, ipinagdiriwang ng 2.7 bilyong Katoliko ang taon ng awa.