343 total views
Kapanalig, ang Nobyembre 8 ay isang madilim na araw sa sa kasaysayan ng ating bansa. Sa araw na ito, tatlong taon na ang nakaraan, hinagupit ang ating bayan ng super typhoon Yolanda.
Ngayong taon, ang Nobyembre 8 ay nagkaroon ng magkaibang kahulugan. Para sa maraming bikitma ng martial law, tila bagyo din ang tumama sa kanila dahil sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman na payagan nang mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang dating Pangulong Marcos.
Paghihinagpis ang naramdaman ng maraming biktima dahil dito. Hindi pa nga naghihilom ang sakit na kanilang naranasan, tila nabubudburan pa ng ito ng asin. Isang konsolasyon para sa kanila ang mga kataga na binitiwan ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Ayon sa kanya, minamaliit ng desisyong ito ang sakit na naramdam ng mga biktima ng martial law.
Ayon sa Amnesty International, tinatayang mga 70,000 mga katao ang nakulong noong panahon ng martial law, at 34,000 ang natorture habang 3,240 ang napatay mula 1972 hanggang 1981. Libo libong tao ang nakaranas ng matinding pahirap o torture noon, gaya ng pambubugbog, pangongoryente, pananakal, may iba pa na pinaso ng sigarilyo at plantsa. Marami ang nakaranas ng “water cure” kung saan ang mga biktima ay pilit na pinaiinom ng sobra sobrang tubig matapos ay bubugbugin. Maraming mga kababaihan ang ginahasa at binaboy. Para sa mga biktimang ito, ang pagtawag na bayani sa isang pinuno ng malagim na panahon ng martial law ay pag-ulit ng kalapastanganang ginawa sa kanilang buhay.
Ang paglipas ng panahon ay hindi kailanman magbubura sa katotohanang taglay ng mga karanasan ng mga biktima ng martial law. Hindi maunawaan ng kasalakuyang henerasyon ang bigat ng pangyayaring ito. Marahil dahil ang karahasan ay kanila ng nakikita sa araw araw. Ngayon, base na mismo sa datos ng pulisya, lampas 4,500 na ang namatay mula July 1 hanggang October 2016 sa ngalan ng giyera sa droga. Mas madami pa kaysa sa namatay noong panahon ng martial law.
Para sa ilan, ang paglibing ng dating Pangulo sa Libingan ng mga Bayani ay senyales ng pag-uumpisa ng paghihilom, para ika nga, mag-move on. Kaya lamang kapanalig, marami pang mga biktima ang hindi pa nakikita hanggang ngayon. Ayon nga sa iba, buti pa ang dating presidente, mahihimlay na sa libingan ng mga bayani matapos maratay sa isang temperature-controlled room. Pero maraming mga biktima ng martial law, nawala na lamang ng walang bakas. Walang bangkay na mailibing. Nasaan ang paghihilom kung hanggang ngayon wala pa ring hustisya?
Kapanalig, tayo ay ay kasalakuyang nasa “pivotal moment” ng ating kasaysayan. Binabago ng mga pangyayari ang ating mga depinisyon ng tama, ngunit kailangan nating manindigan, at sa puntong ito, ang Panlipunang Turo ng Simbahan ay isang matibay na sandigan. Sa gabay nito, makikita natin na may mga bagay na legal, ngunit hindi natin masasabing moral. Isang hamon ang makikita natin sa mga kataga mula sa Octogesima Adveniens: Legislation is necessary, but it is not sufficient for setting up true relationships of justice and equality…If, beyond legal rules, there is really no deeper feeling of respect for and service to others, then even equality before the law can serve as an alibi for flagrant discrimination, continued exploitation and actual contempt.