787 total views
Ito ang nilinaw ni Diocese of Kalookan Bishop Pablo Virgilio David kaugnay sa inorganisa ng Council of the Laity ng diyosesis na National Laity Week Conference on Social Transformation through Civil and Political Involvement bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Laity Week ngayong taon.
Ayon sa Obispo na siya ring incoming president ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) hindi dapat umiwas ang mga layko sa pagkakaroon ng political involvement sapagkat bahagi ito ng buhay panlipunan ng bawat isa na kaakibat rin ng pagmamalasakit sa kapwa at sa bayan.
Paliwanag ni Bishop David, hindi dapat ituring na masama ang pulitika sapagkat tanging ang ilang mga sakim na pulitiko lamang ang sumisira sa tunay na diwa nito na dapat na pagtutok at pagbibigay prayoridad sa kapakanan ng common good o mas nakararami.
“Bahagi ng ating pananampalataya ang pulitika and I am glad ngayon ay hayagan na nating ini-encourage talaga ang political involvement, mali na umiwas sa usaping pulitika dahil bahagi ito ng ating buhay panlipunan, kung meron tayong malasakit sa ating bayan. We should never equate politics with bad politics kasi kapag ganyan ang attitude natin aba talaga magdi-deteriorate ang pulitika ng ating bansa kaya tayo nagiging involve precisely because gusto nating itaguyod ang good politics or the politics of the common good.”pahayag
ni Bishop David.
Pagbabahagi ng Obispo, naaangkop na pagnilayan ng bawat layko ang kahalagahan ng boto na maituturing na tulad ng panata ng bawat mananampalataya para sa bayan na nasasaad sa titulo ng naganap na online conference na “Ang mga Panata Bilang Pamukaw ng Diwa ng Kristiyanong Pilipino: Mga Gabay sa Darating na Halalan 2022”.
Iginiit ni Bishop David na ang boto ay dapat na ituring ng mga layko na panata o debosyon para sa bayan na nangangahulugan ng pagiging tapat at pag-ibig hindi lamang para sa Diyos at para sa bayan kundi maging para sa kalikasan at sa kapwa.
“Ang boto ay panata at ang panata para sa Pilipino ay debosyon at ang debosyon ang ibig sabihin nito ay pag-ibig diba kaya devoted to you, ibig sabihin gawin itong pahayag ng pag-ibig, pag-ibig sa Diyos, pag-ibig sa bayan, malasakit sa kalikasan, malasakit sa ating kapwa kasi ang problemang nakikita ko ay kung mayroong tamang panata, mayroon ding maling panata.” Dagdag pa ni Bishop David.
Sa kabila nito, nilinaw ng Obispo na dapat na maging mapanuri ang bawat isa sa pagkilatis ng tamang pamamanata upang hindi malinlang sa pamamanata sa mga kampon ni satanas na mapagpangap at mapaglinlang.
Paalala ni Bishop David, “mag-ingat tayo hindi bawat panata ay tama, mayroon ding mga maling panata, mayroon ding mga namamanata sa mga kampon ni satanas pakatandaan po ninyo yun mga panatiko sila, mga namamanata sa mga kampon ni satanas minsan mas panatiko pa nga sila, bukambibig din nila the same values tatawagin din nila ang sarili nila na maka-Diyos, maka-bayan, maka-kalikasan, maka-tao pero kailangang kilatisin dahil mapagpanggap si satanas.”
Tema ng pagdiriwang ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa National Laity Week ngayong taon ang “Celebrate as One in 2021: The Gift of Christianity, the Gift of Mission, the Gift of Unity”.
Layunin nito na pukawin ang aktibong partisipasyon ng mga layko sa mga usaping panlipunan kasabay ng patuloy na paggunita ng bansa sa ika-500 anibersaryo ng pananampalatayang Kristiyano sa bansa.