601 total views
Patuloy ang Diyosesis ng Cabanatuan sa pagtulong sa mga mahihirap na pamilya na lubhang naapektuhan ng umiiral na coronavirus pandemic.
Ayon kay Cabanatuan Social Action Director Fr. Aldrin Domingo, kasabay ng paglaganap ng pandemya ay inilunsad ng diyosesis ang programang Alay Kapwa sa Pamayanan – Caritas Kindness Station.
Nilalayon nitong maibsan sa simpleng paraan ang pasanin ng mga mahihirap na pamilyang sinisikap na makaahon mula sa epekto ng pandemya.
“Nagpapatuloy po ‘yung programa ng Diocese of Cabanatuan until now para somehow maka-survive sila and that’s our goal to be able to help them to survive this pandemic times,” pahayag ni Fr. Domingo sa panayam ng Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Fr. Domingo na kaiba sa mga karaniwang kindness stations, ang mga volunteers mismo ang nagpupunta sa mga tahanan at nagdadala ng mga pagkain at iba pang tulong sa mga napiling benepisyaryo.
Sinabi ng pari na sa pamamagitan din ng pagbabahay-bahay ay napapagtuunan ng simbahan na kilalanin at makadaupang-palad ang kanilang mga tinutulungan.
Natutuwa naman si Fr. Domingo sa patuloy na suporta ng mga benefactors kaya’t patuloy din ang pagtulong ng simbahan sa mga higit na nangangailangan.
“It’s not really the funds na naiipon natin sa simbahan kun’di it is coming from the people pero locally. Kumbaga bigay din ng mga tao, the good thing is kapag nakikita ng tao where the money goes, tuluy-tuloy po ‘yung tulungan na ‘yun,” ayon kay Fr. Domingo.
Umabot na sa humigit-kumulang 20-milyong piso ang naipong pondo ng Diyosesis ng Cabanatuan bilang tulong sa mga mahihirap na pamayanang saklaw nito.
Batay naman sa huling tala ng Social Weather Stations, umabot na sa 11-milyon ang kabuuang bilang ng mahihirap na pamilya sa bansa dulot ng patuloy na krisis ng pandemya.