356 total views
Mga Kapanalig, mukhang dadalhin ni bagong DSWD Secretary Erwin Tulfo ang kanyang pagiging “action man” sa pagpapatupad ng mga programa ng ahensya, partikular na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Sa isang panayam, nagbabala si Secretary Tulfo na kakasuhan niya ang mga benepisyaryong ginagamit ang natatanggap nilang tulong-pinansyal sa ibang bagay katulad ng mga bisyo. Sasampahan din daw ng kaso ang mga isinasangla ang kanilang cash cards para makautang. Ang mga benepisyaryong ang mga anak ay nagtapos na ng pag-aaral ay dapat isauli ang kanilang cash cards, dahil kung hindi, mahaharap sila sa kasong estafa.
Ngunit ang pagsasampa ng kaso ba ang akmang solusyon sa sinasabing pagkakawaldas ng pera ng 4Ps? Sa naturang interview, wala rin namang ipinakitang datos ang bagong kalihim upang masabi kung gaano kalaganap ang problema ng paggamit ng cash aid sa ibang bagay o ng pagsasangla ng cash card ng mga nagigipit na benepisyaryo.
Ang conditional cash transfer ay isang estratehiyang ginagawa rin sa ibang bansa upang tulungan ang mga mahihirap na pamilya. Marami ang nagsasabing dole out ang programang ito at tinuturuan lamang ang mga benepisyaryo na umasa sa gobyerno. Ngunit balikan natin ang salitang “conditional”; ibig sabihin, may mga kondisyones ang pagtanggap ng pera ng mga pamilyang kabilang sa 4Ps.
May dalawang grants na ibinibigay sa mga pamilya. Una ay ang health grant na nagkakahalaga ng ₱500. Dapat itong ilaan sa pagkain, nutrisyon, pagpapa-check-up, at pagpapabakuna ng mga batang limang taong gulang pababa. Gagamitin din ito ng mga nanay na buntis. Upang matanggap ito, ang benepisyaryong buntis ay dapat nagpapa-check-up, habang ang mga bata ay nagpapabakuna at nabibigyan ng deworming pills. Ang pangalawang grant naman ay para sa edukasyon ng mga batang tatlo hanggang 18 taong gulang. Bawat bata ay pinaglalaanan ng ₱300 hanggang ₱500 kada buwan sa loob ng sampung buwan. Sa pagtanggap ng education grant, kailangang tiyaking hindi bababa sa 85% ang class attendance ng kanilang mga anak na nag-aaral. Ang mga magulang naman ay required na dumalo sa mga Family Development Sessions.
Kung dole out ang Pantawid Pamilya, walang mga ganitong kondisyones. Pero dahil sa mga kondisyones na ito, natutugunan ng programa ang tinatawag na “intergenerational cycle of poverty” dahil natutulungan nito ang mga mahihirap na mapag-aral ang mga bata at matutukan ang kalusugan ng mga buntis at kanilang mga anak. Hindi bababa sa limang milyong pamilya ang naging bahagi ng 4Ps mula nang magsimula ito noong 2008, at daanlibo na rin ang nakatapos ng programa dahil sila ay naging self-sufficient na; ibig sabihin, may sapat nang kita ang pamilya upang tustusan ang kanilang mga pangangailangan nang magsipag-gradweyt na ang kanilang mga anak Dahil napatunayang epektibo ang estratehiyang ito, ipinasa ng administrasyong Duterte ang Republic Act No. 11310 o ang 4Ps Act na ginagawang regular na programa ng gobyerno ang Pantawid Pamilya.
Maaaring may mga nakalulusot sa mga benepisyaryo, pero hindi kaya sa halip na kasuhan sila, kailangan lang ayusin ng DSWD ang pagmo-monitor nito? Makatutulong din kung aalamin ang puno’t dulo kung bakit may mga benepisyaryong nagagamit ang kanilang cash aid sa ibang bagay. Baka may ibang tulong na mas akma sa kanila katulad ng pagbibigay ng trabaho at pautang na mabilis at walang interes?
Mga Kapanalig, gaya ng paalala sa Deuteronomio 15:11, ibukas sana ng pamahalaan ang palad nito sa mga kababayan nating nangangailangan. Sabi nga ni Pope Francis, sa pakikinig, pag-unawa, at pagtanggap sa mahihirap, natutuklasan natin si Hesus hindi lamang dahil kumikiling Siya sa kanila kundi dahil nakikibahagi siya sa kanilang kalagayan.[3] Tama ang maging masinop sa paggamit ng pondo ng bayan, pero hindi naman ito dapat magdulot ng lalo pang ikalulubog sa buhay ng mga dapat abutin at alalayan ng gobyerno.