166 total views
Mga Kapanalig, tampok na programa ng administrasyong Duterte ang “Build, Build, Build”. At masasabi nating marami ang nasasabik na makita ang mga ipatatayong kalsada, tulay, at riles ng tren lalo na rito sa Metro Manila. “Golden age of infrastructure” nga raw ang panunungkulan ni Pangulong Duterte dahil maisasakatuparan ang mga proyektong pang-imprastrakturang hindi nagawa ng mga nauna sa kanyang administrasyon. (Ngunit magtatatlong taon na ang administrasyon at karamihan sa mga natapos o ginagawa pa lamang na mga proyekto ay iyong mga pinlano o sinimulan ng nakaraang administrasyong Aquino katulad ng extension ng LRT at MRT.)
Gayunman, bihirang pag-usapan ang tungkol sa malaking bilang ng mga pamilyang maaaring mawalan ng tahanan dahil dadaanan ang kanilang lugar ng mga ipatatayong imprastraktura. Halimbawa, ilan sa atin ang nakakaalam na hindi bababa sa 11,000 pamilya sa Metro Manila ang kakailanganing ilipat upang mabigyang daan ang pagpapatayo ng South Rail Project, ang commuter train na daraan ng maraming lungsod mula Maynila hanggang Calamba sa Laguna? Karugtong ng proyektong ito ang tinatawag na long haul train na aabot naman hanggang sa Matnog sa Sorsogon. Tinatayang 100,000 pamilya ang maapektuhan ng nasabing mga proyekto, at karamihan sa kanila ay mga informal settler families o mga pamilyang walang legal na pagmamay-ari sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay.
Samantala, nagbabala naman noong isang linggo ang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources o DENR na ire-relocate ang may 300,000 informal settlers sa paligid ng Manila Bay. Ito raw ay upang maibalik ang ganda ng Manila Bay na ngayon daw ay tadtad ng basura, lalo na tuwing dinadala ang mga ito ng malakas na hangin at ulan sa dalampasigan. Mataas na rin daw ang antas ng bakterya sa tubig, hindi lamang dahil sa basura kundi sa dumi ng mga taong doon tumutuloy mula sa kanilang mga bahay. Muli, mga maralita na naman ang unang target para sa problemang gawa ng lahat ng taga-Metro Manila at ng mga iresponsableng nagtatapon ng kanilang basura sa Rizal, Cavite, Bulacan, at Pampanga. Bakit isisi lamang sa mga taong nasa paligid ng Manila Bay ang tone-toneladang basurang lumulutang doon? At kailangan ba talaga silang ilipat sa ibang lugar? Hindi natin sinasabing hindi sila nagtatapon ng basura sa maling lugar, ngunit relokasyon nga ba ang solusyon sa problema ng basura o maayos na sistema ng koleksyon at segregation ng basura ang kailangan? Baka naman nais ilipat ang mga mahihirap upang bigyang-daan ang mga planong reclamation projects sa Manila Bay na tatayuan naman ng mga casino, hotel, at iba pang gusaling hindi naman pakikinabangan ng mga mahihirap. Tingnan na lamang natin ang nangyari ngayon sa bandang Pasay.
Hindi na bago ang mistulang pagsasakripisyo sa mga maralitang tagalungsod para sa sinasabing kaunlarang dadalhin ng malalaking proyektong pang-imprastraktura. Nakalulungkot na tuwing eleksyon, laging pinangangakuan ng mga politiko ang mahihirap ng mas maginhawang pamumuhay, ngunit ang katotohanan, ang mga maralitang tagalungsod ang unang-una palang isasantabi at itataboy sa ngalan ng isang maunlad na buhay at mas magandang mga lungsod.
Ang ganitong kalakaran ay bahagi ng tinatawag ni Pope Francis na “economy of exclusion and inequality,” isang ekonomiyang pinapaboran ang mayayaman habang isinasantabi ang mga dukha. Ganito ang ginagawa natin sa mga mahihirap sa ating bayan: sasamantalahin natin ang kanilang paggawa, pasasahuran sila ng napakababa, at saka palalayasin sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay upang maging mas maginhawa ang buhay ng mga nakaririwasa. Napakatinding pagkakait ng katarungan ang ginagawa natin sa ating mga kapatid.
Mga Kapanalig, huwag tayong mabulag sa larawan ng mga magagandang imprastraktura at nagtatasaang mga gusali dahil sa likod ng mga ito ang pagdurusa ng mga kapatid nating mahihirap.
Sumainyo ang katotohanan.