3,333 total views
Mga Kapanalig, nabubuhay tayo sa panahong tila napakadali para sa sinuman ang kumuha ng impormasyon tungkol sa maraming bagay. Sinasabi ring ang impormasyon ay halos kasinghalaga ng hangin, tubig, at pagkaing hindi puwedeng mawala upang maging masaya at makabuluhan ang buhay ng tao.
Ngunit paano natin natitiyak na ang impormasyong nakukuha natin ay tama at totoo? Gaano nga ba kahalaga sa ating tama o totoo ang impormasyong nakukuha natin? Halimbawa, ilan na ba talaga ang mga kaso ng Covid-19 sa bansa? Anu-ano ang mga serbisyo ng gobyernong dapat nating napakikinabangan? Saan-saan makukuha ang mga ito? Sa anu-anong bagay ginagamit ang pondo ng bayan? Mahalaga ba sa atin ang mga impormasyong ito?
Ngayong nalalapit ang halalan, gaano kahalaga sa atin ang wastong impormasyon tungkol sa mga kandidatong nagnanais mamuno sa atin? Kung sinu-sino ang mahalal sa kanila, sila ang magpapasya sa maraming mga patakarang makaaapekto sa ating buhay. Ang mga desisyon nila ay makakaapekto kung magiging sapat o kulang ang magiging sahod ng mga manggagawa, kung magiging mahal o abot-kaya ang presyo ng bigas, kung magiging madali o mahirap ang paghahanap ng trabaho, o kung magiging madali o mahirap ang makatanggap ng ayuda kapag may nagkasakit o naospital sa ating pamilya.
Gaano nga ba natin pinahahalagahan ang tama at totoong impormasyon?
Kamakailan, may naganap na pag-hack sa websites ng ilang mga tagapaghatid ng balita na nagsasagawa ng fact-checking sa mga impormasyong hindi totoo na kumakalat at pinapakalat sa social media. Layunin ng mga organisasyong ito na ipaalam sa publiko ang mga maling impormasyong sadyang pinalalaganap upang paboran, o kaya naman ay siraan, ang partikular na mga kandidato. Dahil sa naganap na hacking, hindi na tuloy mabuksan ang kanilang websites kaya hindi tuloy naipapaalam sa publiko kung tama o mali ang kumakalat na impormasyon. Ang ganitong tahasan at sinasadyang pagpipigil na malantad ang maling impormasyon ay maituturing na isang uri ng pagmamanipula sa pag-iisip at pagpapasya ng mga tao. At ang maling impormasyon ay nauuwi sa maling pagdedesisyon.
Dahil mahirap mapatigil ang ganitong uri ng pagmamanipula sa isip ng mga nakatatanggap ng hindi totoong impormasyon, mahalagang maging mapanuri. Kaakibat nito ang pag-alam kung sinu-sino ang mga nakikinabang sa kumakalat na maling impormasyong tungkol sa mga kandidato. Sabi nga, huwag tayong magpabudol.
Likas sa tao ang naisin ang katotohanan. Ang pagsusubo ng kasinungalingan sa isang tao o ang pagpipigil sa sinumang malaman ang katotohanan ay paglabag sa dignidad at karapatan ng taong magdesisyon nang naaayon sa kung ano ang totoo. Balikan natin ang tagpo sa Ebanghelyo ni San Juan 8:38. Sa paghaharap nila ni Poncio Pilato, sinabi ni Hesus na Siya ay sumasaksi sa katotohanan. Bilang tugon ay tinanong Siya ni Pilato “Ano ang katotohanan?” At sa puntong ito ay sinabi ni Pilatong “wala akong makitang anumang kasalanan sa kanya.” Ang taong naghahangad ng katotohanan ay may kakayahang kilatisin ang totoo sa hindi.
Ngunit ang mas mahalaga ay ano ang gagawin natin sa nalalaman nating totoo? Magiging katulad ba tayo ni Pilato na ipinaubaya sa ibang tao ang pagdedesisyon kahit na alam niyang ito ay taliwas sa katotohanan? Tayo ba ay magpapadala sa opinyon ng iba kahit alam nating mali ang pinagbabatayang impormasyon ng opinyon nila?
Mga Kapanalig, sa isang mensahe sa okasyon ng World Communications Day noong 2018, pinuri ni Pope Francis ang pagsusumikap ng mga naglalantad sa mga pagpapanggap at kasinungalingang naglipana sa social media na inihalintulad niya sa taktika ng ahas, o “snake-tactics”, sa Hardin ng Eden. Ayon sa Santo Papa, sa kahuli-hulihan, ang bawa’t indibidwal ang may responsibilidad na kilatisin ang totoo.