335 total views
Ibinahagi ni Balanga Bishop Ruperto Santos na matagumpay na naisagawa ang unang Bakuna bubble sa Parokya sa lalawigan.
Ayon sa obispo nasa 48 indibidwal ang nabakunahan sa St. Nicolas of Tolentino Parish sa Mariveles Bataan noong September 18 nang unang ilunsad ang proyekto bilang pakikiisa ng simbahan sa vaccination roll out ng pamahalaan.
Unang itinalaga ng simbahan sa Mariveles ang pagbabakuna tuwing Sabado alas singko ng hapon pagkatapos ng Banal na Misa sa alas kuwatro.
“This is our call for our parishioners “Magsimba, Magpabakuna. Maging ligtas at Makapagligtas,” muling panawagan ni Bishop Santos sa mamamayan.
Bukod sa San Nicolas Tolentino, nagbukas din ang parokya ng Santa Gemma Galgani sa Mariveles para sa pagbabakuna sa kanilang parokya sa pangunguna ni Fr. Jhoen Buenaventura.
Patuloy pa rin ang pakikipag-uganayan ng diyosesis sa mga lokal na pamahalaan bilang suporta ng simbahan sa kampanyang wakasan ang paglaganap ng nakahahawang virus sa pamayanan.
“As we are waiting for consent and collaboration with our local LGU, the parishes in the towns of Orani (3) and Morong (2) are willing and ready,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Pinaigting din ng lalawigan ang Vax on Wheels kung saan umiikot sa mga barangay ang sasakyan ng provincial health office upang bakunahan ang mamamayan sa mga itinalagang lugar.
Sa tala ng provincial health office nasa halos apat na libo ang aktibong COVID-19 cases sa lalawigan mula sa kabuuang 24, 000 kaso.
Samantala halos kalahating milyong mamamayan naman sa Bataan ang tumanggap ng bakuna kung saan halos 200 libo rito ay fully vaccinated na.
Tiniyak ni Bishop Santos ang pakikipagtulungan sa pamahalaan upang pangalagaan ang kaligtasang pangkalusugan ng mananampalataya ng diyosesis.