191 total views
Mga Kapanalig, kasabay ng pagbibigay ng go signal ni Pangulong Duterte sa Department of Education (o DepEd) upang magsagawa ng pilot testing ng face-to-face classes sa mga piling paaralan, nagsimula na rin ang Department of Health (o DOH) ng pagbabakuna sa mga menor de edad. Dalawang malalaking hakbang ito ng pamahalaan upang mapabuti ang kalagayan ng mga bata sa panahon ng pandemya—ang pagsubok na makapag-aral muli sa mga paaralan ang mga bata at ang pagbibigay ng dagdag na proteksyon laban sa banta ng COVID-19.
Magkakaroon na ng face-to-face classes sa ilang pampublikong paaralan sa ika-15 ng Nobyembre. Ngunit mula sa naunang 120 na paaralan na target ng DepEd, 59 lang ang inaprubahan noong Setyembre. At ngayong Oktubre, matutuloy lamang ang pilot face-to-face classes sa 30 paaralan. Bukod sa biglang-pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ibang natukoy na mga lugar, kailangan ring magbigay ng pahintulot ang mga lokal na pamahaalan, komunidad, at mga magulang upang maituloy ang pabubukas muli ng mga natukoy na paaralan. Karamihan sa mga pampublikong paaralang magbubukas ay sa Central Visayas at Zamboanga Peninsula. Dalawang safety checks ang kailangan upang mabuksan muli ang mga paaralan: ang granular risk assessment ng DOH sa kanilang lugar at ang safety school criteria ng DepEd.
Ayon sa grupong Alliance of Concerned Teachers (o ACT), maaaring lalong matagalan ang pagbubukas ng mga paaralan kung titingnan ang papaunting bilang ng mga paaralang makakasama sa pilot face-to-face classes. Maaari daw na overwhelmed o hindi pa makaagapay ang mga lokal na pamahalaan kaya’t hindi pa lubusang bukas ang mga ito sa ideya ng pagbabalik-eskwela ng mga bata. Maaari din daw na dahil sa limitadong suportang pinansyal na ibinibigay ng national government ay nahihirapan ang mga lokal na pamahalaang paglaanan ang pilot testing na ito. Bukod pa riyan ang ang kawalan ng kumpiyansa ng mga komundidad at magulang na ligtas na magbubukas muli ang mga paaralan.
Kung sa mga batang nasa elementarya ang tutok ng muling pagbubukas ng mga eskwela, mga batang edad 12 hanggang 17 naman na may comorbidity ang tutok ng pagbabakuna para sa mga menor de edad. Sa ngayon, walong ospital sa Metro Manila pa lamang ang gumagawa nito. Sa tala ng DOH, halos 6,000 na mga bata na ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna noong nakaraang linggo. Sa mga susunod na linggo ay inaasahang madaragdagan pa ang mga ospital na papahintulutang magbakuna sa mga bata, ngunit mananatili pa rin ito sa Metro Manila. Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., pinapahalagahan ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga bata dahil ito ang paraan tungo sa kanilang ligtas na pagbabalik-eskwela at pagbubukas muli ng ating ekonomiya. Kinikilala rin ng DOH na dahil sa tagal ng pagkakatigil ng mga bata sa loob ng tahanan, nagkaroon na ito ng masamang epekto sa kanilang kalusugan at mental health.
Mga Kapanalig, kinikilala ng ating Santa Iglesia ang dignidad ng mga bata. Ang pagtataguyod natin sa kanilang karapatang makapag-aral at mabigyan ng serbisyong pangkalusugan, gaya ng bakuna, ay nagpapakita ng pagkilala sa kanilang dignidad. Ngunit bukod sa pag-aaral at bakuna, kailangan ding mabigyan ang mga bata ng pagkakataong makalabas sa apat na sulok ng kanilang tahanan at makihalubilo sa kanilang kapwa-bata. Makakabuti ito hindi lamang sa kanilang pagkatuto at kalusugan, kundi maging sa kanilang kaisipan, ngunit kailangang tiyakin ang kanilang kaligtasan.
Sabi nga ni Hesus sa kanyang mga alagad sa Marcos 9:37, ang sinumang tumatanggap sa isang bata ay tinatanggap na rin Siya. Sinasabi sa atin ni Hesus na hindi lang tanggapin ang mga bata kundi tingnan at ibigay ang kanilang mga pangangailangan.