321 total views
Nagpahayag ng suporta ang Commission on Human Rights (CHR) sa plano ng Bureau of Corrections (BuCor) na pagpapabakuna sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) o mga bilanggo at mga kawani ng pitong prison facilities ng BuCor bilang proteksyon mula sa COVID-19 virus.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia, ang naturang hakbang ng BuCor na pagtiyak sa kapakanan ng mga bilanggo sa gitna ng panahon ng pandemya ay naangkop lamang sa paggunita ng 34th Prison Awareness Week at National Correctional Consciousness Week ngayong taon na may temang “Magkaisa, Magtulungan, Magdamayan, Covid-19 ay Labanan.”
Inihayag ni De Guia na dahil sa siksikang sitwasyon ng mga bilanggo ay higit ring lantad ang mga ito sa iba’t ibang uri ng sakit tulad na lamang ng COVID-19 virus.
“The Commission on Human Rights (CHR) lauds the recent pronouncement of the Bureau of Corrections (BuCor) on its assurance to get all Persons Deprived of Liberty (PDLs) and personnel in its seven prison facilities vaccinated against the Covid-19. Efforts to help decongest and preventive actions to stop the spread of the pandemic in jails and detention facilities is specifically in line with this year’s National Correctional Consciousness Week theme “Magkaisa, Magtulungan, Magdamayan, Covid-19 ay Labanan.”” Ang bahagi ng pahayag ni CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia.
Ipinaliwanag ni De Guia na bahagi ng layunin ng paggunita ng National Correctional Consciousness Week at maging ng 34th Prison Awareness Week ang pagbibigay halaga sa dignidad at karapatang pantao ng mga bilanggo sa kabila ng kanilang mga nagawang pagkakasala at paglabag sa batas.
Umaasa naman ang kumisyon na bigyang pansin at iprayoridad din maging ng mga lokal na pamahalaan ang pagpapabakuna sa mga bilanggo partikular na sa mga matatanda at mga may karamdaman upang ganap na maisulong ang hinahangad ng pamahalaan na ‘zero Covid-19 cases amongst the prison population’ sa buong bansa.
“We remain hopeful in the continuing weeks that more local government units will include elderly PDLs, especially those with comorbidities, in their vaccination priority list. Low Covid case rates amidst increasing vaccination rates of PDLs and correctional officers is a clear indication of the benefits of vaccination and positive movement towards the goal of zero Covid-19 cases amongst the prison population.” Dagdag pa ni Atty. De Guia.
Kaugnay nga nito, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan ang pagkakaroon ng patas na karapatan ng mga bilanggo sa mga benepisyo tulad na lamang ng serbisyong pangkalusugan maging sa loob ng mga bilangguan.
Taong 1987 nang itinakda ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang huling Linggo sa buwan ng Oktubre bilang Linggo ng Kamalayan para sa mga Bilanggo upang alalahanin at bigyang pansin ang kapakanan at kalagayan ng mga bilanggo sa buong bansa.
Sa ilalim naman ng Proclamation No. 551, s. 1995 ay idineklara din ng pamahalaan ang huling linggo ng Oktubre bilang National Correctional Consciousness week.