317 total views
Kapanalig, kasama na sa bokabularyo natin ngayon ang salitang bakwit. Ano nga ba ito at bakit bigla itong umantig sa ating kamalayan?
Ang bakwit kapanalig ay nangangahulugan ng evacuees. Ito ay nangangahulugang pagtakbo para masalba ang buhay. Sumikat ito dahil sa gyera sa Marawi. Ngunit ang totoo, ang bakwit ay isang mapait na reyalidad na nararanasan ng maraming Filipino. Sila ay ang mga “internally displaced” ng mga indibidwal sa ating bansa.
Kapanalig, ang ating bansa ay laging dinadayo ng baha at bagyo. Dahil dito, marami ang nadi-displace mula sa kanilang mga tahanan. Liban dito, lalo na sa Mindanao, ang conflict at pabugso-bugsong karahasan ay marahas ding tumutulak sa maraming tao na mag-“bakwit” para masalba ang kanilang buhay.
Noong 2016, ang ating bansa ay naging pangalawa sa may pinakamataas na bilang ng mga internally displaced persons, base sa datos ng Internal Displacement Monitoring Center. Umabot ng anim na milyon, kapanalig, ang bilang nito dahil sa mga natural na kalamidad at sa karahasan.
Maari tayong makatulong sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga bakwit. Tingnan natin ang mga relocation centers. Ano ba ang mga kondisyon nito? Marami sa ating mga evacuation centers ay masikip – ang mga bakwit ay kailangang magsiksikan matapos makaranas ng trauma. Nag-uunahan ang mga bakwit para sa pwesto, hindi lamang para sa pahingaan kundi para sa pag-gamit ng palikuran. Maliban sa kawalan ng privacy dahil sa sikip, kulang din ang first aid at food supply sa maraming mga evacuation centers.
Ang mga bata ang tunay na kawawa pagdating sa displacement. Napaka-bulnerable ng kanilang sitwasyon. Sa pagtakbo pa lamang sa gitna ng kalamidad o karahasan, dehado na sila. Pagdating pa sa mga evacuation centers, marami sa kanila ang naha-harass at namo-molestiya. Marami din ang nabibiktima ng human trafficking.
Ang pagiging bakwit kapanalig, kadalasan, ay hindi na pagtakbo para sa kaligtasan. Ito na ay pagtakbo mula sa isang trauma tungo sa naghihintay na problema.
Kapanalig, hindi dapat ganito ang evacuation centers. Ang mga kalamidad at karahasan ay laging nangyayari sa maraming lugar sa ating bansa. Ang mga local na gobyerno, pati ang barangay, ay dapat handa sa pagdating ng mga bakwit, hindi lamang dahil obligasyon nito na pangalagaan ang kanilang mga constituents, kundi dahil ito ay dapat at tamang gawin ng mga makataong pinuno ng bayan. Ayon nga sa Quadragesimo Anno: Ang tungkulin ng ating mga pinuno ay ang bantayan ang komunidad at mga miyembro nito, lalo na ang mga mahihina at maralita.