418 total views
Binigyang diin ng Diyosesis ng Borongan na pakaiingatan at higit na pahahalagahan ang mga kampana ng Balangiga ngayong muli itong iluluklok sa St. Lawrence, Deacon and Martyr Parish.
Ayon kay Bishop Crispin Varquez makahulugan ang pagkakabalik ng mga kampana sa kasaysayan ng Balangiga at ng Diyosesis dahil tanda ito ng pagkakaisa ng mamamayan.
“We’ll treasure the bell kasi very significant history ito in our diocese and ngayon naibalik na it is a symbol of friendship symbol of reconciliation, and symbol of peace,” pahayag ni Bishop Varquez sa Radio Veritas.
Kaugnay dito labis ang pasalamat ng Obispo at mananampalataya ng Balangiga sa lahat ng grupo, institusyon at mga indibidwal na nagtulong-tulong upang maisakatuparan ang pagbabalik ng mga kampana na kinuha ng mga sundalong Amerikano noong 1901.
Ika – 11 ng Disyembre ng dumating ang tatlong kampana mula US base sa Okinawa Japan sakay ng C-130 plane ng US Airforce kung saan nagsagawa ng seremonya sa Villamor Airbase para sa pormal na turn over na pinangunahan ni Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana na nagsilbing tagapamagitan sa Diyosesis ng Borongan at pamahalaan.
MULING PAGBATINGAW NG MGA KAMPANA
Nakatakda naman ang pormal na turnover ng mga kampana sa parokya ng St. Lawrence, Deacon and Martyr sa Balangiga sa ika – 15 ng Disyembre kung saan ikatlo ng hapon ay gaganapin ang isang maiksing seremonya at susundan ng pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya.
Mapapakinggan ng mga taga Balangiga ang pagtunog ng tatlong kampana makalipas ang 117 taon.
Ibinahagi ni Bishop Varquez na dadalo sa pagtitipon si Pangulong Rodrigo Duterte at ilang opisyal ng pambansa at lokal na pamahalaan.
Pangungunahan naman ni Tagbilaran Bishop Emeritus Leonardo Medroso ang pagdiriwang ng Banal na Misa na nagsusumikap na maibalik sa bayan ng Balangiga ang tatlong kampana noong nanilbihan itong pinunong pastol ng Diyosesis ng Borongan sa loob ng 19 na taon.
Bukod kay Bishop Medroso at Bishop Varquez, makiisa rin sa mananampalataya ng Balangiga sina Davao Archbishop at CBCP President Romulo Valles, Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia, Archbishop Timothy Paul Andrew Broglio mula sa Military Ordinariate ng Estados Unidos habang hindi pa kumpirmado ang pagdalo ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
SENATE RESOLUTION 965
Mariing tinutulan ng mga Pastol ng Diyosesis ang Senate Resolution 965 o ang panukalang ilagak sa National Museum ang isa sa tatlong mga kampana.
Nanindigan ang Diyosesis sa pangunguna ni Bishop Varquez na labag sa karapatan ng mga mananampalataya ng Balangiga ang binabalak ng pamahalaan at ito ay taliwas din sa naihahayag sa kasaysayan.
Iginiit ng mga lingkod ng Simbahan na malaki ang papel ng mga kampana sa nangyaring Balangiga Encounter noong ika – 19 na siglo kaya’t marapat lamang na mailuklok at mananatili ito sa Balangiga.
Maituturing na sacred artifacts ang mga kampana sapagkat ginagamit ito sa mga banal na gawain ng Parokya.
“We will use the bell for spitritual activities sa Parish kay ang bell siya man ang gigamit nga sound sa pag-invite sa mga tawo sa mga spiritual events ilabi na ang Santos nga Misa, [We will use the bell for spiritual activities sa Parish kasi ang bell ang ginagamit na sound sa pag-invite ng mga tao sa mga Spiritual Events lalo na sa Banal na Misa].” ani ni Bishop Varquez.