176 total views
Laganap pa rin ang child labor sa mga plantasyon partikular na sa malalayong komunidad.
Ayon kay Sr. Emelina Villegas, miyembro ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research Inc., base sa kanilang pag-aaral, isa ang Palm Oil Industry sa maraming manggagawa na pawang mga kabataan na may gulang 17 pababa at isa dito matatagpuan sa Agusan.
“Sa aming pag-aaral may tendency lumalawak lumalalaki, pero mahirap pag-aralan ang child labor statistically napakahirap kasi mamanu-manuhin mo yan, mahalaga ang datus na nakukuha namin dumaram siya hindi lang sa city o center kundi malakas din sa mga plantasyon, sa mga hacienda, sa research na ginagawa namin tungkol sa palm oil sa Mindanao, natuklasan na ang mga manggawa dun 17 years old and below, sila ang sumsungkit ng mga bunga ng palm oil o nganga, kaibahan niya may tinik ito, sila ang umaakyat at yumuyugyog para mahulog ang mga bunga, sila ang naghahatak, nagkakasugat-sugat ang kanilang mga kamay, paa at braso kasi nga matinik ito, at pinakalamalaking natuklasan naming palm oil plantation, sa Agusan,” pahayag ni Sr. Villegas sa panayam ng Radyo Veritas.
Pahayag ng madre, nakalulunos ang kalagayan ng mga batang manggagawa dahil sa bukod sa hirap ang kanilang katawan, sumasahod lamang sila ng P100 hanggang P200 kada araw na malayong-malayo sa minimum na sahod na P481 na lalawigan.
“Nakakalungkot, mahirap na maliit pa ang sahod nila, hindi umaabot sa minimum, P200 or minsan 100 a day lang.” ayon kay Sr. Villegas.
Dahil dito, gumawa ng paraan ang samahan kaya’t nagkaroon sila ng Balik-Eskuwela program upang makapag-aral ang mga batang ito.
“Mga dropout ang mga ito, kaya may isang project ang labor ecumenical, nagkaroon sila ng Balik Eskuwela, ‘yung mga 17 years old o 10 years and old and above nakapagumpisa ng pag-aaral, nagkaroon sila ng espesyal na pag-aaral at na-validate kung anong grade na sila pwede ilagay. Sa Bukidnon at sa Agusan meron doon balik eskuwela it has been going on for 3 years na-validate nila ang ilang taon ng mga bata, nalagay sila sa Grade 5-6 o high school,” ayon pa kay Sr. Villegas.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) Survey on children noong 2012, nasa 5.4 milyon ang child labor sa bansa na may gulang 5 hanggang 17 kung saan 29.6 percent nagmula sa Mindanao.