174 total views
Bigyang pugay natin, kapanalig, ang mga magigiting na guro at mga estudyante na nagbalik eskwela na matapos ang halos magda-dalawang taong online classes. Kahit may konti pang takot, pumasok sila kahit hindi pa tapos ang pandemya.
Sa buong mundo, kapanalig, isa na tayo sa mga pinakahuling nagbukas ng klase. Simula Marso 2020, wala tayong mga physical classes. Ayon sa estimates ng UNICEF, mga 27 milyong estudyante sa ating bansa ang nawalan ng mahigit pa sa isang taong in-person learning.
Napakahalaga, kapanalig, na makabalik na sa paaralan ang mga mag-aaral natin. Unang una, nawalan na sila ng social interaction. Marami sa ating mga kabataan, ang kanilang mga gadgets na ang naging sandigan araw at gabi. Ni hindi mo na makausap, kasi laging nakatutok sa kanilang mga cellphones.
Marami ring mga bata ngayon, lalo na silang mga nasa grades 1, 2 and 3, ang hirap na hirap magsulat at magbasa. Para sa marami sa kanila, hindi sapat ang online learning upang matutong magsulat. Kahit pa i-demo ito sa cellphone o sa laptop, hindi pa rin ito makukumpara sa pisikal na pagtuturo ng titser at pagsasanay ng estudyante. Pagdating din sa pagbabasa, hirap ang maraming mag-aaral. Kadalasan, kapag nasa paaralan sila, ang mga bata ay sabay-sabay nagbabasa sa klase. Pag online, hirap gawin ito dahil yung iba, mabagal ang koneksyon.
Problema pa lalo ang pag-aaral ng Math sa online classes. Hindi matutukan ng guro ang kanyang mga estudyante, lalo yung mga guro na marami ang mag-aaral. Mahirap matutukan kung sino ang nahihirapang makahabol dahil maraming iba ang naka-off cam, o di kaya modular lang.
Wala na ring exercise ang mga kabataan. Dati sa school, may PE na sila, may mga activities pa sila sa paaralan na nag-uudyok sa kanilang kumilos. Ngayon, nasa bahay na lamang sila, at puro upo sa harap ng cellphone o TV ang kanilang ginagawa.
Kaya nga’t magandang balita na naging maayos ang school reopening at walang na-ireport na COVID cases sa hanay ng mga pumasok na guro at mag-aaral. Ating ipagdasal at siguraduhing tuloy tuloy na ito sa pamamagitan ng striktong pagsunod sa health protocols, maayos na bentilasyon, at mas maigting na hygiene measures.
Ang ligtas na pagbabalik eskwela ay kasama sa karapatan ng mga bata sa edukasyon. Mahalaga ito hindi lamang para sa karunungan, kundi para sa wholistic development ng mga bata. Ayon nga sa Evangelii Gaudium, ang edukasyon ay kasama sa mga sangkap ng ating kabuuang kapakanan at dignidad. Sa pamamagitan nito, nakakalahok ang mga mag-aaral sa lipunan at napupukaw ang dignidad ng kanyang pagkatao.
Sumainyo ang Katotohanan.