180 total views
Mga Kapanalig, tayong mga nasa Metro Manila at mga karatig-probinsya at ilan pang mga lungsod ay nasa ilalim muli ng enhanced community quarantine (o ECQ) dahil sa pagpagkalat ng Delta variant ng COVID-19. Ang panunumbalik ng lockdown ay tinatantyang magdudulot sa ating ekonomiya ng pagkawala ng 105 bilyong piso kada linggo. Mararamdaman natin ito sa pagkawala ng hanapbuhay, pagkalugi at pagsasara ng mga negosyo, at kakulangan ng pagkain at panustos sa mga pang-araw-araw na gastusin katulad ng tubig, kuryente, at gamot.
Tama lamang na nagdesisyon ang pamahalaang maghanap ng pagkukunan ng pondo mula sa ating pambansang badyet upang ipantustos sa ayuda sa mga hindi makakapaghanapbuhay dahil sa dalawang linggong lockdown. Dito masusubok kung ano nga ba ang dapat bigyang-prayoridad ng ating pamahalaan. Kasabay nito, sana ay mapagtanto rin natin kung gaano kahalaga na ating inuusisa kung paano at saan ginagamit ng pamahalaan ang perang nakukuha nito mula sa ating mga buwis, at mula sa utang kapag hindi sumasapat ang mga nakokolektang buwis.
Napabalitang may malalaking halagang dapat ay naipamahagi sa mga mamamayan bilang ayuda sa ilalim ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2 ngunit hindi naman nagamit. Sa katunayan, hinayaan ng pangulo na mag-expire ang Bayanihan 2 noong Hunyo. Hindi niya ito pinalawig upang magamit pa sana ang anim na bilyong pisong nakatalaga doon para sa social amelioration program (o SAP). Ang halagang ito ay bumalik na sa tinatawag na general fund ng pamahalaan at hindi na raw magagamit para sa ayuda.
Ang tanong: bakit maraming hindi nakatanggap ng ayuda mula sa Bayanihan 2 na kwalipikadong makatanggap bago ito napaso noong katapusan ng Hunyo?
Karagdagan pang mga tanong: bakit hindi pinalawig ang Bayanihan 2 upang maipamahagi pa ang anim na bilyong piso sa mga manggagawa katulad ng mga tsuper at iba pang nawalan ng trabaho? Bakit hinayaan itong bumalik sa general fund? Saan ito planong gamitin samantalang mahigpit ang pangangailangan ng maraming naghihikahos dahil sa pandemya?
Nagkukumahog ngayon ang pamahalaang humanap ng pagkukunan ng pang-ayuda. Kung pinagsumikapan sanang gamitin ang perang nakalaan sa Bayanihan 2 ay napakinabangan na sana ito ng mga naghihirap ngayon. Kung may mahanap man ang pamahalaan, matagal pa bago ito mailalabas at maipapamahagi samantalang ang pangangailangan ay ngayon na.
Isa pang matagal nang napupuna tungkol sa pambansang badyet ay ang malaking paglobo ng pondong inilalaan sa confidential at intelligence funds ng opisina ng pangulo sa ilalim ng administrasyong ito. Dahil ang mga pondong ito ay hindi kailangang isiwalat kung saan ginagamit, walang alam ang taumbayan kung higit na mahalaga ba ang pinaggagamitan nito kaysa sa pangangailangan ng mga health workers o sa ayuda para sa mga naapektuhan ng pandemya.
Ang pananahimik ng taumbayan at ang hindi paniningil sa mga namamahala ay nagdudulot ng tuluy-tuloy na paghihirap sa mga tao. Ang pag-alam sa kung ano ang dapat paglaanan ng pera ng gobyerno ay napakahalagang tungkulin ng taumbayan at ng bawat mamamayan, lalo na kapag ang mga namamahala ay kulang sa malasakit at pagsusumikap sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Rerum Novarum, hinihingi sa mga gobyerno na kanilang bigyan ng “espesyal na konsiderasyon” at proteksyon ang mga manggagawa at nakararaming mga mahihirap sapagkat wala silang ibang maaasahan kundi ang pamahalaan. Sa katunayan, maging si Hesus ay unang kinalinga ang mga nahihirapan at nabibigatan. Nasasaad sa Ebanghelyo ni San Lucas 4:18-19, “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya, at sa mga bulag na sila’y makakakita. Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi, at upang ipahayag ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.”