61,233 total views
Kapanalig, marami ngayong Filipino ang nahahalina at pumipiling magbuhay probinsya. Malaking pagbabago ito, dahil bago mag pandemic, ang ating mga syudad, partikular na ang National Capital Region ang pangunahing migration destination sa ating bayan. Trabaho ang pangunahing rason – sa mga syudad kasi makikita ang karamihan sa mga oportunidad sa bayan. Pero iba na ngayon.
Maraming Pilipino ngayon ang pinipiling bumalik o lumipat na sa mga probinsya. Iba iba ang dahilan o salik nito, kasama na ng paghahanap ng mas magandang kalidad ng buhay, mas mababang gastos, at ang pagnanais na bumalik sa mga pinagmulan at simpleng buhay. Ang dami rin kasing hamon sa city life.
Ngayon, kahit may trabaho ka sa lungsod, kulang pa rin ang kita. Malaki ang gastos at pamumuhay sa lungsod. At para makuha mo pa ang gatiting na pang-gastos na ito, napalaking paghihirap pa ang pagdadaaanan mo. Makikibaka ka sa araw araw na traffic, makikipag-unahan ka sa public transport, at magsusumamo na wag sana bumaha o maging sobrang mainit.
Sa probinsya, mas mababa ang mga gastusin, kaya’t mas nagiging abot-kaya ang pamumuhay. Mas maayos pa ang kalidad ng buhay. Bawas ang trapiko sa probinsya, kapanalig. Malapit din ang mga sariwang pamilihan. Pati antas ng polusyon mababa – mas malinis ang hangin, at mas malaki ang lugar at luntiang espasyo. Mas nakakahinga ang tao. Mas bawas ang stress. At dahil mas mabagal ang pace ng buhay dito, mas maraming oras para sa pamilya at komunidad.
Maliban sa paghahangad ng mas tahimik at malinis na kapaligiran, mas mura din ang halaga ng lupa at bahay sa probinsya. Mas abot kaya bumili dito ng property, at abot kaya din ang umupa. Sa mga probinsya, may opsyon ka rin makakuha ng property hindi lamang para pagtayuan ng bahay, kundi para gamitin sa pagsasaka o ibang economic activity.
Ang pag-usbong ng remote work at online na edukasyon ay nagbukas din ng posibilidad para sa maraming tao na magtrabaho at mag-aral kahit saan. Dahil dito, nagiging mas madali para sa mga tao na manirahan sa probinsya habang nagtatrabaho o nag-aaral.
Maraming magandang epekto ang pagbabagong ito. Ang paglipat ng mga tao sa probinsya ay nagdudulot ng pag-unlad ng lokal na ekonomiya. Nadadagdagan ang pangangailangan para sa mga serbisyo at produkto, na nagiging sanhi ng paglago ng mga LGUs. Ang pagdami ng mga bagong residente ay nagdudulot din ng pagbabago sa demograpiya ng mga probinsya. Ito ay maaaring magdala ng mga bagong kultura, sigla, at kaalaman na makatutulong sa pag-unlad ng komunidad.
Ang tamang pagpaplano at pakikipagtulungan ng pamahalaan at komunidad ay makatutulong upang masiguro na ang migrasyon ay magiging positibo para sa lahat. Malaking hamon ito sa ating mga LGUs na sana’t matapang at maayos nilang matugunan. Ang Panlipunang Turo ng Simbahan ay matagal ng sumusuporta sa prinsipiyo ng subsidiarity, na sumusuporta sa kakayayahan at kagalingan ng mga lokal na gobyerno. Ayon nga sa Centessimus Annus, hindi dapat agawan o pangunahan ang mga komunidad sa kanilang responsbilidad sa lipunan. Sa halip, sila ay dapat tulungan sa kanilang gawain para sa kabutihan ng balana.
Eto na ang panahon para mas lalong manguna at kumilos ang LGUs. Ang local migration ay mananatiling positibo kung ang lokal na pamahalaan, ay sabay ding maghahanda, mag-iimprove, at magpapabuti ng kalidad ng buhay sa mga probinsiya. Ang maayos na city planning, ang pagsabay na pagkumpuni at pagtataguyod ng mga kaugnay na imprastraktura na sasabay sa migrasyon ng tao ay napakahalaga. Exciting times ahead, kapanalig, at dasal natin ang tagumpay ng mga LGUs.
Sumainyo ang Katotohanan.