16,210 total views
Feast of St Andrew, Nov 30 2023, Mt 4:18-22
“Protokletos” ang tawag kay San Andres ng mga Eastern Catholics at Orthodox Christians—ibig sabihin ang “Kauna-unahang Alagad” na tinawag at sumunod kay Hesus. Isa sa pinakaimportanteng karakter si San Andres para sa kanila. Kung Rome ang naging sentro ng western Catholicism, Constantinople naman ang sa East. Kung si St Peter ang kinikilalang nagtatag ng western or Latin Church sa Rome, si St Andrew naman ang kinikilalang nagtatag sa Easter Christians na ang senteo ay Byzantium o Constantinople. Nov 30 din ang pyesta niya doon.
Sayang at kapag pyestang Saint Andrew, ang laging ginagamit na Gospel reading ay ang “call of the first disciples” sa Matthew 4,18-22. Doon kasi parang extra ang dating niya. Kung ako ang masusunod, ang ipapabasa kong gospel ay John 1:35-42. Doon malalaman na hindi sumunod si Andrew kay Jesus dahil tinawag siya. Sumunod siya dahil inindorso ni Juan Bautista si Jesus sa kanya at sa isa pang kasama niya—na sa kanya daw sila sumunod.
Sa Gospel of John, ito ang papel ni John the Baptist—tagapagpakilala sa Mesiyas. Naglalakad daw noon si Juan Bautista, kasama ang dalawa sa kanyang mga alagad. Nagkataon napadaan si Jesus at binulungan ni Juan ang dalawang kasama niya. Itinuro si Jesus at sinabi sa dalawang alagad—“Iyan ang Kordero ng Diyos.”
Si Propeta Isaias ang unang gumamit sa paglalarawan sa hinirang ng Diyos bilang isang tagapaglingkod na magiging pantubos para sa paglaya ng Israel. Sabi niya sa Isaias 53:7 “…para siyang korderong dinala sa katayan, tahimik lang siya; hindi siya tumutol…”.
Malay natin kung naintindihan ba ni Andrew ang ibig sabihin ni John. Pero sumunod siya. At tinanong pa nga daw siya at ang kasama niya—ba’t nyo ako sinusundan? Sagot daw nila, “Saan ho kayo nakatira?” Art noon sinabi ni Jesus, “Halikayo para makita ninyo.” Hindi lang nila nakita, pinamalita pa nila.
Akmang-akma ang first reading natin: Romans 10. Sa vv.14-15, sabi niya, “…paano sila tatawag sa ngalan niya kung hindi muna sila naniwala sa kanya? At paano daw sila maniniwala kung wala pa silang naririnig tungkol sa kanya? At paano sila makakarinig kung walang namalita sa kanila? At paano sila mamamalita kung walang nagsugo sa kanika?“
Ang nagsugo sa kanila ay si Juan. Naniwala sila sa sinabi ni Juan sa kanila tungkol kay Hesus. Kaya sumunod sila kay Hesus dahil naniwala sila kay Juan. Ayon daw sa Kasulatan, “Napakagandang pagmasdan ang mga paa ng tagapagdala ng magandang balita.”
Siguro kaya hinugasan ni Hesus ang mga paa nila sa huling hapunan, dahil isusugo din sila. May parang domino effect Ipinakilala muna ni Juan si Hesus kay Andres, at pagkatapos pinakilala ni Andres ang kapatid niyang si Simon kay Hesus.
Ang ginagawang pamamalita ay personal at pabulong. Hindi pasigaw o madramang pahayag. Ito ang gusto kong matutunan natin kay San Andres: ang pabulong na po pagbabahagi ng mabuting balita. Sumikat ang expression na ito sa FABC. Pinasikat ng retiradong arsobispong taga-India na si Abp. Thomas Menamparampil, at dinevelop pa ni Cardinal Giorgio Marengo ng Mongolia sa libro niyang “Whispering the Gospel to the heart of Asia.” Ang Pagbulong ng ebanghelyo sa puso ng mga taga-Asya.
Minsan, ang mas epektibong paraan ng ebanghelisasyon ay bulong lang—personal na patotoo tulad ng ginawa ni Juan kay Andres, at ni Andres kay Simon. Di ba’t kahit si Propeta Elias, narinig niya ang tinig ng Diyos hindi sa apoy, o sa lindol o malakas na bagyo kundi sa isang marahang simoy na bumubulong?