358 total views
Mga Kapanalig, binalot kamakailan ng makapal na smog ang Metro Manila. Ang smog ay pinagsamang smoke (o usok) at fog (o hamog). Sa sobrang kapal ng smog, sinuspinde ng ilang LGU ang klase sa mga paaralan.
Ang akala ng marami, dahil iyon sa usok na ibinuga ng Bulkang Taal. Noong mga araw na iyon kasi, tumindi ang pagbuga ng tone-toneladang usok ang bulkan—usok na siksik sa sulfur dioxide kaya amoy asupre at lubhang delikado kung malalanghap. Mula noong unang linggo pa ng Setyembre nagbubuga ng usok ang Bulkang Taal. Paliwanag pa ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (o Phivolcs), hindi volcanic smog ang bumalot sa Metro Manila dahil ang direksyon ng hangin noong mga araw na iyon ay hindi papunta rito.
“Acutely unhealthy” o lubhang delikado sa kalusugan ang paglalarawan ng Department of Environment and Natural Resources (o DENR) sa air quality sa ilang bahagi ng Metro Manila noong mga araw na iyon. Ang guideline value na masasabing ligtas ang kalidad ng hangin ay 35 micrograms per normal cubic meter. Umabot ito sa 217 points sa Parañaque at 128 sa Makati! Ayon pa sa DENR, ang maruming hangin ay mula sa usok ng mga sasakyan sa ating mga lansangan.
Mas pinalalâ pa ang smog ng tinatawag na thermal o temperature inversion. Kaunting science muna tayo, mga Kapanalig. Nagaganap ang thermal inversion kapag hindi naghahalo o nagsasanib ang mga layers sa ating atmosphere. Normal na malamig ang temperatura habang tumataas tayo sa atmosphere. Mas mataas sa ere, mas malamig ang temperatura. Sa thermal inversion, mas mainit ang hangin sa itaas at nata-trap nito ang malamig na hangin sa ibaba. Kasama sa nata-trap sa ibaba ang nakalutang na mga dumi, usok, at kemikal. Sa madaling salita, polusyon ang bumalot sa Metro Manila.
Hindi na ito katakataka. Sa kabila ng pagkakaroon natin ng Clean Air Act na naipasa noong 1999, malaking problema pa rin natin ang polusyon sa hangin. Responsable ang mga sasakyang de-motor o motor vehicles sa 88% ng polusyon sa Metro Manila. Ebidensya nito ang kapansin-pansing mas malinis na hangin noong pandemya. Dahil sa ipinatupad na lockdown, ipinagbawal ang paglabas ng mga tao kaya’t walang sasakyan sa mga kalsada. Unti-unting nabawasan ang makapal at maitim na hanging bumalot sa Metro Manila. Ngunit ngayong back-to-normal na ang lahat, balik-lansangan na ang mga motorista at ang mga mananakay. Balik na rin ang polusyon, at mukhang mas tumindi pa nga ito.
Ang pagkalantad sa polusyon ay nagbubunga ng maraming banta sa kalusugan, lalo na para sa mahihirap. Ito rin ang nasa likod ng milyun-milyong premature deaths o pagkamatay ng mga bagong panganak. Ganito sinimulan ni Pope Francis ang pagtalakay sa isyu ng polusyon sa hangin sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’. Ipinaaalala sa atin sa Catholic social teaching na ito ang ating pagkabigong igalang ang ating nag-iisang tahanan, ang daigdig na pinasasalu-saluhan nating mga tao at iba pang nilikha. Literal na nasusulasok sa maruming hangin ang Inang Kalikasan. At ang hanging ating dinudumihan ay ang parehong hangin na ating nilalanghap.
Mga Kapanalig, ang kuwento ng paglikha sa pananampalatayang Katoliko ay nagsimula sa pagkilos ng Espiritu ng Diyos o, ayon sa ibang interpretasyon, sa pag-ihip ng malakas na hangin mula sa Diyos. Mababasa natin ito Genesis 1. Ang paglikha ay nagsimula sa isang hininga ng sariwang hangin, a breath of fresh air, ‘ika nga. Ang hanging ito ang nagbigay ng hugis, ganda, at buhay sa kawalan. Sa ngayon, ang hanging ito ang pumipinsala o papatay sa atin. Darating pa kaya ang panahong magiging malinis pa ang hangin sa ating mga lungsod?
Sumainyo ang katotohanan.