264 total views
Mga Kapanalig, sa patuloy na pag-iral ng kultura ng karahasan at kamatayan sa ating bayan, mapalad tayo dahil may mga taong naninindigang labanan ito. Sa gitna ng kadiliman, mayroon pa rin tayong mga maituturing na banaag ng pag-asa, katulad ng obispo ng Diyosesis ng Kalookan na si Bishop Pablo Virgilio “Ambo” David.
Kilala si Bishop Ambo na kritiko ng madugong giyera ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga. Nasasakupan ng Diyosesis ng Kalookan ang Caloocan City-South, Malabon City, at Navotas City, mga lugar na tinaguriang “ground zero” ng “war on drugs” dahil sa dami ng napapatay sa mga lungsod na ito—sa mga operasyon man ng mga pulis o gawa ng mga vigilante. Maliban sa pagiging kritiko ng “war on drugs”, aktibo rin si Bishop Ambo sa paggabay sa mga parokyang kanyang nasasakupan upang magpatupad ang mga ito ng rehabilitation programs para sa mga adik na nais magbagong-buhay. Tumutulong din siya sa mga naiwang pamilya ng mga pinatay.
Sa kabila ng mga ito, pinaratangan kamakailan ni Pangulong Duterte si Bishop Ambo na sangkot umano sa iligal na droga. Sa isang talumpati, nagbanta pa ang pangulo na papupugutan niya ng ulo ang obispo kung mahuhuli niya itong nagpapabili ng droga. Sagot naman ng obispo, hindi siya kailanman gumagamit ng anumang droga–legal man o ilegal. Tumutulong lamang daw siya sa pagpapanibagong-buhay ng mga adik.
Inakusahan din ng pangulo si Bishop Ambo na nagnanakaw sa kaban ng Simbahan. Dinadala raw ng obispo ang mga natatanggap na offerings at koleksyon ng Simbahan sa kanyang pamilya. Ipinagkibit-balikat lamang ito ni Bishop Ambo at sinabing may mga pagkakataong hindi nalalaman ng mga taong may sakit ang kanilang sinasabi, kaya dapat daw silang unawain na lamang.
Mga Kapanalig, sabi sa isang liham-pastoral ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP noong 2017, “Nagiging kasabwat tayo ng kasamaan kung pinahihintulutan natin itong magpatuloy at kung nananahimik tayo sa harap nito. Kung pinababayaan natin ang mga adik at tulak ng droga, nagiging bahagi tayo ng problema sa ilegal na droga. Kung pahihintulutan o hahayaan lang natin ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang adik at tulak, nagiging responsable rin tayo sa pagpatay sa kanila.”
Muli, hindi tumututol ang Simbahang sugpuin ang problema natin sa iligal na droga. Ngunit naniniwala tayong maaari itong gawin sa paraang hindi marahas at nang walang nababalong mga asawa at nauulilang mga anak. Patuloy na naninidigan ang Simbahang hindi mabubura ng anumang uri ng droga ang dignidad ng tao. Hindi nababawasan ang kanilang halaga bilang nilikha ng Diyos dahil sa pagkakaligaw nila ng landas. Ang pagturing sa mga adik at tulak ng droga bilang mabababang uri ng tao ay hindi katanggap-tanggap na Kristiyanong pananaw. At ang pananahimik sa gitna ng paglaganap ng ganitong pananaw ay pakikipagsabwatan sa kasamaan.
Suportahan natin ang ating mga pastol na tinutuligsa dahil sa kanilang paninidigan para sa kasagraduhan ng buhay. Paano natin ito magagawa? Una, maging mapanuri tayo sa mga paratang na walang batayan. Lagi nating alamin at hanapin ang katotohanan. Ikalawa, huwag tayong mangiming magsalita laban sa patuloy na pagdanak ng dugo sa ating bayan. Huwag nating hayaang maging normal ang patayan sa ating paligid. Panghuli, makibahagi tayo sa mga programang tumutulong sa pagpapanibago ng mga kapatid nating naliligaw ng landas. Magbigay din tayo ng tulong sa mga nagbibigay ng suporta sa mga naiwang pamilya ng mga pinaslang.
Mga Kapanalig, tayong lahat na mananampalataya—mga obispo, mga relihiyoso, at mga layko—ay tinatawag na maging saksi sa pag-ibig ng Diyos para sa mga kapatid nating naliligaw ng landas. Manindigan tayong hindi sagot ang pagpatay sa ngalan ng mas mapayapang lipunan. Kahit sa munting paraan, dagdagan natin ang banaag ng pag-asa sa ating bayan.
Sumainyo ang katotohanan.