150 total views
Pangungunahan ni Bangued Abra Bishop Leopoldo Jaucian, Chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Youth ang isang banal na misa para sa mga kagawad ng Philippine National Police na magbabantay sa iba’t-ibang polling precincts sa lalawigan na isa sa itinuturing na election hotspots.
Inihayag ni Bishop Jaucian na i-aalay ang misa at pagbabasbas sa P-N-P contingents bago i-deploy sa kani-kanilang area of responsibility sa lalawigan ng Abra.
“Under COMELEC control na kami so tomorrow early morning, meron akong Mass for the PNP contingent bago sila pumunta sa kanilang mga assignment, mga different town. We’ll have a Mass to blessed PNP that will be assigned in the different areas of Abra..” pahayag ni Bishop Jaucian sa Radio Veritas
Isasagawa ang Banal na Misa sa Camp Juan Villamor sa Bangued, Abra dakong alas-siete y medya ng umaga, araw ng Biyernes ika-6 ng Mayo bilang paghahanda sa misyong iniatang sa mga kawani ng Philippine National Police na tiyakin ang kaayusan at kaligtasan sa lalawigan sa araw ng halalan.
Kaugnay nito, una na nang tinukoy ng PNP ang mga lalawigan ng Pangasinan, Masbate, Negros Oriental, Western Samar, Maguindanao, Lanao del Sur, Lanao del Norte, Nueva Ecija at Abra bilang election hot spots na nararapat tutukan ang kaayusan at katahimikan sa darating na May 9 National at Local Elections.
Habang itinuturing namang areas of concern ang ilang lalawigan sa Northern Mindanao, Cagayan Valley, Central Mindanao, Central Luzon and Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) na inaasahang magkakaroon ng karagdagang pwersa upang magbantay.
Bukod dito patuloy rin ang monitoring ng PNP sa may 85 private armed groups, na karamihan ay matatagpuan sa rehiyon ng Mindanao and Hilagang Luzon.