338 total views
Pinahihintulutang muli ng Prelatura ng Batanes ang pagsasagawa ng mga pampublikong banal na misa sa lalawigan mula ika-25 ng Hunyo, 2021.
Ang naturang pahayag ni Batanes Bishop Danilo Ulep ay kasunod ng naging anunsyo ng Provincial Government of Batanes ng pagsasailalim sa probinsya sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) o pinakamababang antas ng community quarantine.
Binigyang diin naman ng Obispo ang mahigpit na pagsunod ng lahat ng Simbahan at mga mananampalataya sa mga ipinatutupad na safety health protocol bilang na pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19 virus.
“Effective this afternoon at 5pm, June 25, I am now allowing the resumption of public masses here in the Prelature of Batanes. May I remind everyone however to continue to observe all health and safety protocols like wearing of face mask and physical distancing.” pahayag ni Bishop Ulep.
Nilinaw naman ng Provincial Government of Batanes na kinakailangan pa rin ng pahintulot ng lokal na pamahalaan para sa pagsasagawa ng anumang mass gathering o activities sa probinsya tulad ng mga parada, fiesta, government activities, cultural activies at maging malalaking pagdiriwang sa pamilya na maaring pagmulan ng community transmission.
Nagpapatuloy ang isinasagawang vaccination roll-out program sa Batanes kung saan batay sa 2018 data ng Philippine Statistics Authority (PSA) nasa mahigit 17-libo ang bilang ng populasyon sa Batanes at target ng Provincial COVID-19 Task Group na mabakunahan ang nasa 14-libong indibidwal upang makamit ng probinsya ang herd immunity mula sa COVID-19.