712 total views
Nagkasundo ang pamunuan ng Sto. Niño Parish sa Pandacan, Manila na ipagpaliban ang pampublikong Banal na Misa sa pagdiriwang ng kapistahan ng Sto. Nino sa January 16.
Sa pabatid na inilabas ng simbahan, ito ay busod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa lalo na sa National Capital Region.
“Ipinagbibigay alam po namin sa lahat ng mga parokyano, deboto at mananampalataya ng Santo Niño ng Pandacan na sa kapistahan sa Enero 16, 2022 ang ating simbahan ay SARADO sa pampublikong pagdiriwang ng Banal na Misa,” bahagi ng pahayag ng simbahan.
Humiling ng pang-unawa ang simbahan sa naging hakbang subalit iginiit na ito ay para sa kabutihan at kaligtasan ng nakararami lalo sa sitwasyon ng pamayanan sa kasalukuyan.
“Ang hakbang po na ito ay para sa ating mga kalusugan at maiwasan ang hawaan sa panganib na dala ng COVID-19 dahil sa maaring pagdagsa ng maraming deboto,” dagdag pahayag.
Kaugnay dito, nauna nang nagdeklarang sarado sa publiko ang Archdiocesan Shrine of Santo Niño sa Tondo Manila sa araw ng kapistahan dahil sa kaparehong dahilan ang pagbibigay prayoridad sa kalusugan ng mga deboto.
Gayundin ang Basilica Minore del Santo Nino de Cebu na nagdeklarang walang pampublikong pagdiriwang ng Banal na Misa sa araw ng kapistahan.
“Due to the ongoing threat of COVID-19, our celebration of the Fiesta Señor 2022 is ONLY ONLINE. There are NO PHYSICAL CELEBRATION OF MASSES,” pabatid ng Basilica sa mga publiko.
Ngayong taon ipinagdiriwang ng Sto. Niño sa Cebu ang ika – 457 kapistahan kung saan mas pinanalalawak at pinaigting ang online presence ng Basilica para mas maabot ang mga deboto hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Tanyag sa buong daigdig ang debosyon ng Santo Niño sa Cebu na isa sa pinakamalaking pista ng bansa na dinadayo ng mga turista ang Sinulog Festival.
Kapwa hinimok ng mga dambana ng Sto. Niño ang mga deboto na pansamantalang subaybayan sa online livestreaming ang mga Banal na Misa sa araw ng kapistahan kasabay ang panalangin na muling makababalik sa normal na pagdiriwang ng debosyon sa mga susunod na taon.