506 total views
Ipinag-utos ni Davao Archbishop Romulo Valles sa mga nasasakupang parokya na maglaan ng isang misa para sa pormal na pagbubukas ng 500 Years of Christianity ng arkidiyosesis.
Sa pastoral advisory na inilabas ng arsobispo, sinabi nitong dapat isang misa ang ilalaan ng mga parokya at religious communities para sa naturang pagdiriwang.
Hinikayat ng arkidiyosesis ang paglalagay ng palamuti sa mga simbahan para sa selebrasyon ng ikalimang sentenaryo ng kristiyanismo sa bansa.
Gaganapin naman sa San Pedro Cathedral sa Davao City ang opisyal na deklarasyon ng Jubilee Churches at pagbubukas ng Holy Door sa Abril 4, Linggo ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon.
Pinaalalahanan ni Archbishop Valles ang mga kura paroko sa mga napiling jubilee churches na may inilaang rito na gagamitin sa pagbubukas ng Holy Doors kaya’t hindi maaring sabay-sabay ang deklarasyon nito.
Bukod sa San Pedro Cathedral, itinalaga ng arsobispo bilang jubilee churches ang St. Jude Parish Shrine, Sta. Ana Parish Shrine, Stor. Rosario Parish Shrine, Most Sacred Heart of Jesus Parish Church (Calinan), Saint James the Apostle Parish Church at ang Immaculate Conception Parish Church.
Gaganapin ang pagbubukas sa nalalabing anim na jubilee churches sa loob ng Easter Octave.