243 total views
Aminado ang isang Mindanao bishop na gumagamit ng ilegal na droga ang mga bandidong Abu Sayyaf bago nila pugutan ng ulo ang kanilang mga bihag.
Ayon kay Prelatura ng Isabela de Basilan Bishop Martin Jumoad, suportado nito ang kampanya ng administrasyong Duterte sa pagsugpo sa kalakaran ng ipinagbabawal na gamot lalo at dumarami na rin ang mga rebeldeng tumatangkilik nito.
Gayunman, mariing tinututulan ni Bishop Jumoad ang anumang paglabag sa karapatang pantao sa kampanya para sugpuin ang ilegal na droga.
“I’am for war against drugs and that’s all and let there be no violation of human rights and in terms of eradicating drugs hundred percent akong I will support about that, because remember here in Basilan, when the Abu Sayyaf and other lawless element would beheading their kidnap victim they took drugs. And because of that they are very aggressive that is why I said eliminate drugs but I don’t go for violation of human rights,”pahayag ni Bishop Jumoad sa panayam ng Veritas Patrol.
Nauna ng binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika – 18 anibersaryo ng pagkakatatag ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC sa Malakanyang, na susugpuin nito ang grupong Abu Sayaff na batay sa datos ng pulisya at militar ay umaabot na lamang sa humigit kumulang 400 katao ang bilang ng mga ito sa Mindanao.
Tiwala naman ang ilang eksperto at ekonomista na kung tuluyang matatapos ang sigalot ng terorismo sa Mindanao ay uunlad ang ekonomiya ng rehiyon, kung saan matagal ng isinusulong ng Simbahang Katolika ang mapayapang pakikipag – diyalogo sa mga Moro roon.