5,805 total views
Nakikipag-ugnayan na ang Department of Health sa Chinese embassy kaugnay sa pagkamatay ng 44 na taong gulang na chinese makaraan na ring magpositibo sa Novel Corona Virus (NcoV).
Ayon kay Health secretary Francisco Duque III sa kasalukuyan ay hinihintay na lamang nila ang tugon ng pamahalaan ng China sa iki-cremate na labi ng lalaki at kung saan ilalagak ang kaniyang abo.
“Itong namatay ay mayroon nang pakikipag-ugnayan sa Chinese embassy at sa Chinese chamber na i-cremate na lang. pinapaantay ko ang resulta ng pakikipag-ugnayan. Kung ike-cremate ito, dito ba mananatili ang abo o ipadadala sa China,” ayon kay Duque.
Tiniyak naman na kalihim na hindi naipapasa ang virus na mula sa bangkay nang may taglay nito.
Sa ulat ng DOH, bagamat dalawa na ang positibong nagtataglay ng ncoV at nasawi na ang isa- nasa recovery stage naman ang babaeng Chinese na unang na-detect na nagtataglay ng nakakamatay na virus.
Dalawamput-apat naman sa mga patient under-investigation (PUI) ang nagnegatibo ang resulta mula sa virus.
Sa pinakahuling datos, umaabot na sa 80 ang PUI ang binabantayan ng DOH.
Una na ring nagpalabas ng Oratio Imperata ang Catholic Bishops Conference of the Philippines bilang panalangin laban sa sakit gayundin ang panuntunan ng pag-iingat na mahawa mula sa ncoV.
Tiniyak din ng DoH na bibigyang tugon ang ulat kaugnay sa sinasabing apat na Chinese na mula sa Wuhan, China na kasalukuyang nasa Romblon.
Base sa natanggap na ulat ng programang Veritas Pilipinas, ang mga dayuhang ito ay kasalukuyang nasa San Andres Hospital sa Romblon, habang ang iba pang mga pasyente ay pansamantalang inilipat sa ilang karatig na pagamutan.
“Titingnan ko ‘yan, para matutukan ‘yan,” ayon kay Duque.
Ang nasabing insidente ay nagdala rin ng takot sa mamamayan ng Romblon sa pangambang nagtataglay ang mga chinese na ito ng ncoV.
Ayon kay Duque, kagya’t niyang ipag-uutos sa DOH-Region 4-B MIMAROPA ang insidente para sa kagya’t na pagtugon.