172 total views
Hindi lamang isang eleksyon ang magaganap sa bansa ngayong taon.
Ito ang inihayag ni Atty. Rona Ann Caritos, Executive Director -Legal Network for Truthful Elections (LENTE).
Inihayag ni Atty. Caritos na dapat malaman at paghandaan ng mga Filipino na hindi lamang ang nakatakdang May 2019 Mid-term Elections ang magaganap na halalan sa bansa ngayong taon kundi maging ang Bangsamoro Organic Law Plebiscite sa Mindanao.
Ayon kay Atty. Caritos, bagamat para sa pangkabuuang partisipasyon ng mga mamamayang Filipino ang May 2019 Mid-term Elections ay mahalaga ring malaman at paghandaan ang nakatakdang Plebisito sa Mindanao sa ika-21 ng Enero at sa ika-6 ng Pebrero.
“Siguro kung magpa-prioritize tayo kasi kailangan malaman ng ating mga Kapanalig na hindi lang Mayo na eleksyon yung mangyayari sa atin, sa bansa natin, mangyayari din yung Bangsamoro Organic Law Plebiscite on January 21 and February 6, so yan yung una nating dapat na paghandaan at malaman kung ano yung mangyayari…” pahayag ni Caritos sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit ni Caritos na mahalagang alamin ng mga Filipino maging sa ibang panig ng bansa ang mangyayari sa nakatakdang Bangsamoro Organic Law Plebiscite sa Mindanao dahil nakakaapekto ito sa pangkabuuang kapayapaan at kaayusan ng buong bansa.
Ipinaliwanag ni Atty. Caritos na isa sa problema ng bansa ay ang peace and order sa Mindanao na sinasabing matutugunan ng nakatakdang plebisito sa Mindanao.
Naniniwala rin ang LENTE na ganap na maisusulong ang pag-unlad sa Mindanao kung tuluyan ng magkakaroon ng kapayapaan sa rehiyon.
“Kapag nagkaroon ng totoong kapayapaan diyan susunod yung development sa lugar kasi alam naman nating lahat isa ang ARMM sa mga pinakamahirap talaga na lugar sa Pilipinas because may problema ng conflict, may problema ng mga armed groups kung mawawala yan because of the peace process, the BOL Plebiscite ang susunod ay ang paglago ng mga tao sa ARMM at sa Mindanao…” Giit ni Caritos.
Kaugnay nito, naglabas ang Commission on Elections (COMELEC) ng mga panuntunan o guidelines para sa nalalapit na Plebesito para sa bagong Bangsamoro Organic Law.
Isasagawa ang Plebisito sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, Cotabato City at Isabela City, Basilan sa ika-21 ng Enero habang ang iba namang mga teritoryo ay boboto naman sa ika-6 ng Pebrero.
Sa ilalim ng nasabing panukalang batas ay papalitan ng Bangsamoro entity ang Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM na naitatag noong 1989 na sumasakop sa may 5 probinsiya at 113 munisipalidad na may 8 kongresista.
Batay naman sa tala ng National Statistical Coordination Board (NSCB) noong 2009, 14 sa 20 na pinakamahirap na bayan sa bansa ay nasa Mindanao kabilang na ang Lanao del Sur na mayroong poverty incidence na 74.3 percent.
Ang iba pang mahihirap na bayan mula sa Mindanao ay Sulu, Sarangani, Maguindanao, Bukidnon, Sultan Kudarat, Zamboanga del Norte, Agusan del Sur, Lanao del Norte, North Cotabato at Zamboanga Sibugay.
Matatandaang sa inilabas na pahayag noong 2015 ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), binigyang diin ng CBCP na makakamit ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao sa pagkakaroon ng paggalang sa pagitan ng mga Muslim, Kristiyano, Lumad at iba pang may ibang panananampalataya.