13,586 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma, 29 Pebrero 2024, Lukas 16:19-31
“Bangungot” ang tawag natin sa masamang panaginip. “Nightmare” sa English. Parang bangungot ang dating ng kuwento ng mayaman sa ebanghelyo. Sorry, wala siyang pangalan. Obvious ang “bias” ng awtor—ang may pangalan sa kuwento ay ang mahirap, ang busabos na pulubi—si Lazaro, kapangalan pa ng best friend ni Jesus na namatay at muling nabuhay.
Balik tayo sa masamang panaginip na mukhang mayroon namang mabuting epekto. Noong buhay pa siya, hindi niya napapansin si Lazaro. Aba ngayon nakita na niya ito, nasa kandungan daw ni Abraham. Ayon sa kuwento, matagal na raw na nakapwesto sa may pintuan ng bahay ng mayaman itong si Lazaro—namamalimos, isang “patay-gutom”. Ang galing naman ng Filipino, ano, may bokabularyo tayo para sa mga taong walang sapat ba makakain. Ang hinihintay lang nuya ay mga mumo na nahuhulog mula sa mesa ng mayaman. Pamatid uhaw ang tawag sa isang lagok ng tubig. Pamatay gutom naman pag gusto lang malamnan nang konti ang tiyan. Kaya siguro pataygutom ang tawag sa mga tulad niya. Pero kahit mumo daw na pamatid gutom hindi niya maabot. Nauunahan pa siya ng mga aso. Siguro may security guard sa may gate ng mayaman, kaya kahit abot-kamay lang si Lazaro, hindi siya nakikita ng mayaman, hindi rin siya siya naririnig. Malapit man, malayo rin. Ganyan naman talaga ang sitwasyon ng mga dukha sa ating lipunan di ba—para bang invisible sila. Hindi talaga nakikita ang mga pagdurusa nila; hindi naririnig ang mga hinaing nila kung hahayaan nating manatili ang malalaking mga agwat sa mga pagitan natin, ang malalalim na bangin na hindi na hindi nila matawid.
May dalawang suggestions ang mayaman sa tulong na pwedeng ibigay ni Tatay Abraham sa kanya. Una, pag-utusan daw si Lazaro na tumawid sa bangin sa pagitan ng kinalalagyan ni Abraham at ang kinalalagyan niyang sitwasyon ng pagdurusa. Ang sagot sa kanya: “Sorry hindi pwede, walang tulay.” Second suggestion, pag-utusan na lang daw si Lazaro na tumawid sa bangin sa pagitan ng langit at lupa para pagsabihan ang lima niyang kapatid at nang hindi rin sila mauwi sa sitwasyon ng pagdurusa. Ang sagot ko: “Di ba may tulay na? Di nga ba nakita pa ng ninuno nila na si Jacob ang tulay na ito sa kanyang panaginip? Isang hagdan sa pagitan ng langit at lupa at mga anghel na umaakyat at bumababa? Iyon nga ang misyon nina Moises at mga Propeta, di ba?” Kaya sinabi ni Abraham, “Nandiyan na sina Moises at mga propeta para mapagsabihan sila.” Pero parang alam ng mayaman na hindi sila pakikinggan ng mga kapatid niya. Bakit? Kasi, siya nga mismo hindi rin niya sila pinakinggan kaya siya napariwara. Kaya humirit pa siya, “Baka daw sakali kung tatawid mula sa mga patay itong si Lazaro at babalik sa piling ng mga buhay, baka pakikinggan siya.” Sorry pa rin ang sagot ni tatay Abraham.
Pero heto ang good news—ang nagkukuwento mismo, pagbibigyan siya. Hindi lang si Lazaro ang babalik mula sa mga patay, kundi siya mismo—pakikinggan ba natin siya? Baka hearing aid ang kailangan natin para luminaw ang pandinig natin; o baka salamin para luminaw ang paningin natin. Para marinig at makita natin ang kapwa, para mailigtas tayo sa buhay na walang saysay at layunin, para hanguin tayo sa buhay na walang pakialam at malasakit sa iba, buhay na walang alam kundi pagpapasasa, buhay na walang pinaglalaanan kundi sarili lamang, buhay na parang ipa, parang palay na walang laman, walang pag-asang tumubong muli pag nahulog at namatay.
Pag binabangungot daw tayo, parang abot-kamay lang ang kaligtasan pero di natin maabot. Kahit magsisigaw ka walang makaririnig. Pag ganoon daw, kumalma lang at magdasal na kurutin ka ng anghel. Pag naramdaman mo ang kurot niya, maigagalaw mo na ang daliri mo at magigising ka na. Ibig sabihin tapos na ang masamang panaginip, pwede na muling bumangon mula sa bangungot.