508 total views
Hinamon ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) at iba pang grupo ang mga bansang nangunguna sa paglikha ng polusyon na pagbayaran ang mga pinsalang humantong sa krisis sa klima.
Ginawa ng PMCJ ang panawagan bilang bahagi ng ginaganap na 27th United Nations Climate Change Conference of Parties o COP27 Summit sa Sharm El-Sheikh, Egypt hanggang November 18, 2022.
Ayon kay PMCJ national coordinator Ian Rivera, matagal nang panawagan ng iba’t ibang grupo ang pagtugon ng pamahalaan sa mga nangyayaring krisis sa kapaligiran ngunit magpahanggang ngayon ay wala pa ring katiyakan sa mga plano para sa kapakanan ng kalikasan at nakararami.
“We are speaking of deaths and the loss of lives, of losing members of families and communities. And there is no amount of finance and adaptation that can solve a continuing criminal act.” pahayag ni Rivera.
Binigyang-diin ni Rivera ang usapin hinggil sa ‘loss and damage’ na patuloy na iniiwasan ng mga mayayamang bansa sa kabila ng kanilang mga pagkakasala at obligasyong nagdudulot ng kapahamakan sa kalikasan at mga tao.
Dagdag pa ng opisyal na patuloy na isinasantabi ng mga bansang nangungunang dahilan ng climate change ang kawalang katarungan para sa milyon-milyong mamamayan at pamayanan mula sa mga mahihinang bansa tulad ng Pilipinas.
“The polluter countries must make amends for the harm done and adhere that Loss and Damage and the necessary climate finance be enshrined in the convention.” saad ni Rivera.
Sa muling pagkakatipon ng iba’t ibang bansa ngayong COP27 Summit, muling nananawagan ang PMCJ na magkaroon ng pananagutan ang mga bansang mayroong malaking ambag sa polusyon tulad ng Estados Unidos, China, at Japan, at simulang isulong at palakasin ang renewable energy.
Gayundin ang panawagan sa pamahalaan ng Pilipinas na tumugon sa hiling na ito, at manindigan kasama ang mga pamayanang lubos na napinsala ng mga sakunang sanhi ng krisis sa klima.