607 total views
Mga Kapanalig, bagamat naglipana ngayon ang “fake news”, masasabing may espasyo pa rin tayong mga Pilipino upang maibahagi natin ang ating saloobin tungkol sa iba’t ibang isyu, kahit pa ang mga puná natin sa mga mali at baluktot na hakbang ng ating pamahalaan. Ito ang positibong bunga ng pagkakaroon ng isang demokratikong lipunan.
Gayunman, ikinababahala ng ibang bansa, katulad ng mga kasapi ng European Union o EU, ang panganib sa ating demokrasya dahil sa lumalalang kalagayan ng karapatang pantao sa ating bansa. Sa kanilang Annual Report on Human Rights and Democracy, sinabi ng EU na hindi na bago ang mga paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas katulad ng pagpatay sa mga human rights defenders, mga lider-katutubo, at mga mamamahayag. Ngunit sa ikalawang bahagi ng 2016, kitang-kita ang kawalan ng pagpapahalaga ng pamahalaan sa karapatang mabuhay (o right to life), sa tamang proseso ng batas (o due process), at sa pag-iral ng batas (o rule of law).
Sa tala mismo ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency, umabot na sa halos 4,000 ang drug personalities na napatay sa mga anti-drug operations mula noong unang araw na maupo sa puwesto si Pangulong Duterte hanggang Setyembre ngayong taon. Hindi pa po kasama sa bilang na iyan ang mga tinaguriang deaths under investigation na kagagawan naman ng mga vigilante. Sadyang nakababahala na nga ang dami ng buhay na maaari pa sanang nagbago kung nabigyan ng pagkakataon.
At batay sa huling survey na ginawa ng Social Weather Stations (o SWS), halos 4 sa 10 Pilipino ang nagsabing hindi sila naniniwala sa paliwanag ng mga pulis na nanlabán ang kanilang mga napapatay. Halos kalahati naman sa mga nainterbyu ang nagsabing hindi na nila alam kung totoo ba o hindi ang sinasabi ng mga pulis na nanlabán ang mga napatay nila. Salamin ito ng tiwala (o kawalan ng tiwala) natin sa mga institusyon, bagay na mahalaga sa isang demokrasya.
Hindi lamang sa “war on drugs” nakita ng EU ang mga banta sa ating demokrasya. Nariyan rin ang pagbabalik ng death penalty at ng pagpapababa ng edad ng kriminal na pananagutan o minimum age of criminal responsibility. Kung magiging patakaran ang mga ganitong paraan ng pagpaparusa, lilitaw na mahina ang pagpapatupad natin ng mga kasalukuyan nating mga batas na isinasaalang-alang ang karapatang pantao maging ng mga nakagawa ng mali.
Mga Kapanalig, haligi ng matatag na demokrasya ang pagpapahalaga at pagtataguyod ng pamahalaan sa karapatang pantao. Umiiral ang tunay na demokrasya sa isang lipunan kung kinikilala ng mga institusyon, sa pangunguna ng pamahalaan, ang karapatan ng lahat ng tao, anuman ang kanilang kasarian, katayuan sa buhay, edad, o grupong kinabibilangan. Huwad ang demokrasyang hinahayaan lamang ng mga namumuno at ng mga pinamumunuan ang paglabag sa mga karapatang pantao at pagyurak sa dignidad ng bawat isa.
Salungat sa prinsipyo ng pag-iwas sa karahasan (na mahalaga rin sa isang demokrasya) ang mga patakarang nag-aalis sa mga taong magbagong-buhay at mag-ambag sa kanilang lipunan. Bahid sa demokrasya ang madugong kampanya kontra droga, ang death penalty, at ang pagkukulong sa mga musmos. Mas mainam kung paglalaanan ng sapat na pondo ng pamahalaan ang mga solusyong naglalayong iwasto ang pagkakamali ng mga lumalabag sa batas. Nariyan ang rehabilitasyon para sa mga nakagagawa ng krimen, tulong medikal para sa mga lulóng sa ipinagbabawal na gamot, at pagpapaaral sa mga batang nasasangkot sa krimen. Walang lugar sa isang tunay na demokrasya ang pagmamalupit at pagpatay sa mga taong naliligaw ng landas.
Mga Kapanalig, marami ang nagsakripisyo para sa demokrasya sa ating bayan. Huwag nating hayaang mabalewala ito dahil sa hindi makataong mga patakaran at sa malawakang paglabag sa karapatang pantao.