383 total views
Mga Kapanalig, sa pagtatapos ng administrasyong Duterte at pagsisimula ng pamumuno ni Presidente Marcos, Jr., nananatili ang mga banta sa malayang pamamahayag. Ilang araw bago bumaba sa puwesto, lantarang sinabi ng dating pangulo sa isang talumpati na ginamit niya ang kanyang presidential powers upang tuluyang ipasara ang ABS-CBN. Dalawang araw matapos ang naturang pahayag, naglabas naman ng utos ang Securities and Exchange Commission (o SEC) ukol sa dati nitong desisyon na bawiin ang certificates of incorporation ng online media outlet na Rappler.
Ano kaya ang magiging aksyon ng bagong administrasyon sa mga hamong ito sa malayang pamamahayag o freedom of the press?
Matatandaang noong Mayo 2020 nang tuluyang mag-off air ang ABS-CBN matapos maglabas ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (o NTC). Sa gitna ng pandemya at kawalang katiyakang dala ng malawakang lockdown sa buong bansa, hindi rin binigyan ng bagong prangkisa ang istasyon. Nagdulot ito ng pagkawala ng trabaho ng libu-libong manggagawa roon. Sabi ng dating pangulo, hindi raw kasi nagbabayad ng wastong buwis ang istasyon. Pero kahit pa paulit-ulit na sinasabi ng SEC at Bureau of Internal Revenue (o BIR) na walang paglabag ang ABS-CBN sa mga batas at nagbabayad ito ng wastong buwis, hindi pa rin naibabalik ang prankisa ng istasyon. Maliban sa pagkawala ng trabaho ng libu-libong manggagawa ng ABS-CBN, nakita rin ang kawalan ng maasahan at accessible na impormasyon (o information gap) sa mga probinsya at mga lugar na mahirap marating tuwing panahon ng sakuna, halimbawa na lamang ay noong nanalasa ang Bagyong Rolly.
Taong 2018 naman nang maunang bawiin ng SEC ang lisensya ng Rappler na mag-operate sa ating bansa. Ayon sa komisyon, hindi raw kasi 100% na pag-aari ng mga Pilipino ang kompanya. Dahil dito, lumabag daw ang Rappler sa ating Saligang Batas dahil sa pagkakaroon ng mga dayuhang mamumuhunan. Ngunit ayon sa Court of Appeals (o CA), dapat raw muling aralin ng SEC ang naging desisyon nito matapos tuluyang bumitaw sa Rappler ang mga dayuhang investors nito. Noong 2019, pinagtibay ng CA ang desisyon nito, at sa mata ng Supreme Court ay sarado na ang kasong ito. Maliban sa utos ng SEC na tanggalin ang lisensya ng Rappler, nariyan din ang ilang kaso ng libel sa founder nito at 2021 Nobel Peace Prize laureate na si Maria Ressa. Kinilala siya dahil sa kanyang matapang na paglaban sa disinformation at pagtataguyod sa malayang pamamahayag sa gitna ng hindi pagsuporta ng nakaraang administrasyon sa mga human rights defenders.
Sa World Press Freedom Index, nasa ika-147 ang Pilipinas sa 180 na bansa batay sa limang aspeto ng malayang pamamahayag. Ibig sabihin, hindi lamang mga kritiko ng pangulo ang nagsasabing mayroong banta sa media. Sa isang demokrasyang katulad natin, mahalaga ang papel ng media sa pagbibigay ng impormasyong nakabatay sa katotohanan at hindi sa sabi-sabi lamang. Kaya naman, hindi dapat ituring na kaaway ng pamahalaan ang media na naglalantad ng kung ano ang totoong nangyayari. Katulad nga ng ipinahihiwatig sa Galacia 4:16, ituturing bang kaaway ang isang taong sinasabi ang katotohanan? Ngayong bago na ang pangulo ng ating bansa, ano kaya ang gagawin niya upang mapanatili ang malayang pamamahayag?
Mga Kapanalig, sinusuportahan ng ating Santa Iglesia ang papel ng media sa isang demokrasya at kinikilala nitong may karapatan ang mga mamamayan sa diskusyon at malayang pagpapahayag. Sa encyclical ni Pope Leo XIII na Libertas, sinabi niyang binibigyan ng Diyos ang tao ng karapatang mag-isip at magpahayag. Kaya naman hindi dapat itinatago sa mamamayan ang katotohanan. At ito ang malaking papel ng media— ang laging pumanig sa totoo at ang ipagtanggol ito.