511 total views
Mga Kapanalig, nitong nakalipas na linggo, may isinagawang pagbisita ang mga pulis sa mga mamamahayag upang bigyan daw sila ng proteksyon matapos ang naganap na pagpaslang sa kilalang brodkaster na si Percy Lapid. Ayon sa isang nabisitang mamamahayag, kinukuha ng mga pulis ang kanilang address at contact number mula sa barangay at pinupuntahan sila sa kanilang bahay, bagay na naging sanhi ng pangamba sa kanilang mga pamilya at sa mismong mga mamamahayag.
Ang pag-iral ng ganitong pangamba at pagkatakot ay tila sintomas ng kawalan ng tiwala ng mga mamamahayag—at pati marahil ng ilang mamamayan—sa ating kapulisan. Bakit kaya na imbis na makampante ang mga dinalaw ng mga pulis ay nagdulot pa ang naturang pagdalaw ng pangamba at takot? Nakalulungkot na ang kapulisan ay kinatatakutan hindi ng mga lumalabag sa batas kundi ng mga ordinaryong mamamayang sumusunod sa batas.
Paano tayo umabot sa ganitong kalagayan? Maaari kayang nakapagpapaalala ito sa mga tao tungkol sa kampanya laban sa iligal na droga ng nakaraang administrasyon? Ang mga mamamahayag naman kaya ngayon ang itinuturing na kalaban ng gobyerno?
Ang pagpaslang kay Percy Lapid at ang pag-amin ng diumanong isa sa inutusang pumatay sa kanya ay tila lalong nakadagdag sa takot sa halip na pawiin ang pangamba ng mga tao. Dahil sa pag-amin ng pumatay kay Lapid na siya at ilan pang mga kasama ay mga bilanggong napag-utusang gawin ang krimen, maaaring nagpapatunay ito kung gaano kadaling pumatay ng tao sa ating bansa. At pinupuntirya ngayon ang mga mamamahayag. Ito kaya ang mensaheng nais ipaabot sa taumbayan?
Kapag natakot ang mga mamamahayag na magsalita o ipaalam sa taumbayan kung may mga hindi tamang nagaganap sa ating lipunan, sino pa ang maaaring gumawa nito? Ang mga vloggers ba? Paano natin malalaman kung may nangyayaring korapsyon o panlolokong ginagawa ang mga nasa kapangyarihan? Kung walang kumikibo, walang gulo. Mas gusto ba natin ito?
Isipin natin: kahit magutom ang mga mamamayan dahil sa korapsyon, walang kikibo. Kahit lustayin ang kaban ng bayan at hindi ibigay sa mga tao ang ayuda at serbisyong dapat nilang matanggap, walang aalma dahil walang magsasabi sa atin na may dapat pala tayong matanggap. Kahit magpasasa sa luho ang mga nasa poder habang marami ang nagugutom, mababa ang suweldo, at hindi makapag-aral, walang kikibo dahil walang nagsasaliksik at nagbubunyag na ganito na pala ang dinaranas ng marami sa atin. Mas gusto ba nating hindi na malaman ang tunay na nagaganap sa ating bayan?
Kung ang mga mamamahayag ay tinatakot, at hindi naman natin sila papanigan o ipagtatanggol, ganito na nga ang mangyayari. Kahit pasamâ nang pasamâ ang lagay ng ating buhay, walang mangangahas na magsalita.
Ibang iba ang halimbawang ipinamalas sa atin ng ating Panginoon pagdating sa pagsasabi ng totoo at pagmamalasakit sa mga pinahihirapan ng mga makapangyarihan. Si Hesus ay di nag-atubiling ipamukha sa mga makapangyarihang mga Pariseo ang mga ginagawa nilang pagpapahirap sa mga ordinaryong tao dahil sa kanilang mga batas. Sa halip, ginamot Niya ang mga maysakit maging sa araw ng Sabbath kahit pa ipinagbabawal ito ng batas ng mga Hudyo. Hindi Siya nangiming tawagin silang mga mapagpanggap na kunwari ay napakalinis sa panlabas nilang anyo at kilos ngunit puno ng kasakiman at kasamaan sa kanilang kalooban.
Mga Kapanalig, ang pagsisiwalat sa katotohanan at pagtatanggol sa kapakanan ng tao ay kailangan upang ang maging makatarungan at payapa ang lipunan. Sa katuruan ng ating Simbahan, ang tunay na kalayaan ay nakikita sa paggawa ng kabutihan at pagtatanggol sa katarungan. Kung pinatatahimik ang mga mamamahayag at hindi kumikibo ang mga tao sa gitna ng kasamaan at kawalan ng katarungan, masasabi pa kaya nating tayo ay tunay na malaya?