231 total views
Mga Kapanalig, pamilyar na pamilyar tayo sa kuwento ng paglikha ng Diyos sa mundo sa aklat ng Genesis. Nilikha niya ang langit, lupa at dagat, lahat ng uri ng tumutubong halamang nagkakabinhi at mga punong namumunga, at lahat ng uri ng hayop sa lupa. Pagkatapos ng mga ito, nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan at binigyan ng tungkuling pangasiwaan ang sanilikha—ang sanilikhang lubos niyang kinasiyahan. Ibinigay Niya ang daigdig para sa kapakinabangan nating mga tao dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin.
Ngunit alam naman nating lubha nang nasalaula ang biyaya sa atin ng Maykapal, at masasabi nating pagtalikod ito sa pag-ibig Niya sa atin. Nakalulungkot na ang pamahalaang itinatag ng tao upang pangasiwaan at pangalagaan ang likas-yaman ng isang bansa ang siyang nagiging instrumento ng pagkasira ng mga ito.
Nitong Abril, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 130 kung saan winakasan niya ang moratorium sa mga bagong mining agreements. Sa pamamagitan daw ng pagpapahintulot sa pagmimina, basta’t naaayon daw sa mga batas katulad ng Philippine Mining Act of 1995, masusuportahan ng industriya ng pagmimina ang iba’t ibang programa ng pamahalaan katulad ng “Build, Build, Build” at “Balik Probinsya, Bagong Pag-asa.” Madadagdagan daw ng mga proyektong minahan ang kaban ng bayan. Magbibigay daw ang mga ito ng maraming trabaho at magbubukas ng maraming negosyo. Pasisiglahin daw ng pagmimina ang ating ekonomiyang bugbog na ng pandemya. Ayon sa isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (o DENR), mayroong isandaang proyekto ng pagmimina na naghihintay na maisyuhan ng kasunduan, at makapagbibigay daw ang mga ito ng 21 bilyong pisong kita para sa pamahalaan. Mapopondohan daw ng mga ito ang maraming gawain upang sugpuin ang pandemya.
Ngunit hindi kaila sa atin ang kinahinatnan maraming minahan sa ating bansa. Sinong makalilimot sa naging epekto sa kapaligiran at komunidad ng Marcopper Mining Corporation sa Marinduque noong dekada ’90? Umagos sa Boac River ang naiwang mine tailings at wastes ng proyekto na nagpalalâ sa mga pagbahang nakaapekto sa daan-daang pamilya, nilason ang tubig na pumatay sa mga isda at ibang yamang-tubig, pumatay sa maraming hayop, at sumira ng mga pananim. Matapos ang trahedyang ito, hindi na napakikinabangan ang ilog.
Gaya ng inaasahan, labis na ikinadismaya ng maraming grupong nagtataguyod ng karangalan ng sanilikha at karapatan ng mga katutubo at maliliit na komunidad ang pinakabagong direktibang ito ng pangulo. Para sa Alyansa Tigil Mina, makasisira sa katubigan, kagubatan, at iba pang nilikha ng Diyos ang muling pagpapahintulot sa mga minahan. Kaisa ang Simbahang Katolika, ani Bishop Jose Collin Bagaforo ng Kidapawan at direktor ng Caritas Pilipinas, sa pagtutol sa hakbang na ito ng pangulo. Pinapaboran daw nito ang interes ng mga negosyante sa pagmimina at hindi ng taumbayan, lalo na ng mga dukha katulad ng mga katutubo. Mas pinili raw ng pamahalaan ang pagpapayaman ng iilan sa halip na tunay na tugunan ang pangangailangan ng mahihirap at pangalagaan ang kapaligiran. Bilang matagal nang naglilingkod sa kanayunan, hindi raw nakita ni Bishop Bagaforo na bumuti ang buhay ng mga tao dahil sa pagmimina. Ipinamamalas ng pagwawakas sa moratorium sa pagmimina ang pagkadesperado ng pamahalaang lutasin ang naging epekto sa ekonomiya ng pandemyang nabigo nitong tugunan sa simula pa lamang.
Mga Kapanalig, alam nating mahalagang may pondong maigugugol sa mahahalagang proyekto ng pamahalaan, ngunit hindi ito makatwirang dahilan kung maisasakripisyo ang kalikasang nagbibigay sa atin ng buhay. Sabi nga ni Pope Francis sa Laudato Si’, ang kalupitan sa bawat nilikha ay salungat sa dignidad ng tao. Babalik sa ating mga tao ang pagsira natin sa kalikasan; ito ang masaklap na natunghayan natin sa maraming minahan sa bansa.
Sumainyo ang katotohanan.