183 total views
Sanay at hindi na ikinagulat ng Commission on Human Rights ang banta ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pagbubuwag sa kumisyon.
Ayon kay CHR chairperson Jose Luis Martin Gascon, isang constitutional office ang C-H-R kung saan mabubuwag lamang ito sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Saligang Batas.
“Well sanay na po tayo na maraming pagbabanta na ginagawa si Presidente,yung kanyang pahayag fire for a cause nalang yan.Dapat dumaan sa proseso ng pagbabago ng Saligang Batas dahil ang CHR ay isang constitutional office.”pahayag ni Gascon sa panayam sa Radio Veritas.
Sa kabila nito, binigyang diin naman ng CHR na ang kumisyon ay binuo matapos ang Martial Law noong 1987 sa ilalim ng Article 13, Section 17 ng Saligang Batas upang tiyaking hindi umaabuso at lumalabag ang pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno sa karapatang pantao ng bawat Filipino.
Mariin ang paninindigan ng Simbahang Katolika na pairalin ng mga otoridad ang proseso ng batas at igalang ang karapatang pantao maging ng mga kriminal at nasasangkot sa masamang gawain.(Reyn Letran)