167 total views
Nanawagan ng patuloy at mas aktibong partisipasyon sa mga mamamayan ang Task Force Eleksyon at Simbahang Lingkod ng Bayan para sa pagbabantay sa mga pangako ng mga nahalal na lingkod-bayan.
Ayon kay Rev. Fr. Patrick Falguerra, SJ –bagong Executive Director of Simbahang Lingkod ng Bayan, mas kinakailangan ang mas aktibong partisipasyon o ‘engage citizenship’ sa pamamagitan ng ‘constructive engagement’ upang bantayan ang pamamalakad at mga pangako ng mga opisyal ng bayan ngayong sila ay naihalal.
Kabilang sa mga naipangako noong nangangampanya pa ang mga opisyal ay pawang kapakanan ng taong-bayan at maging ng kalikasan na sinasabing gagawing prayoridad sa kanilang pag-upo.
“Tingnan lalo na yung mga nahalal natin na mga opisyales na bantayan yung mga pingako nila yung kanilang mga Campaign promises at ito nga yung parang magandang simula nga ito yung gaya ng nabangit ko kanina, ito yung tinatawag nilang ‘engage citizenship o constructive engagement’ yun yung sinasabi nila at siguro ito ay isang paglalakbay tingin ko na punong-puno ng pag-asa..” Ang bahagi ng pahayag ni Rev. Fr. Falguerra sa panayam ng Radio Veritas.
Sa tagubiling pastoral ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ang mga lingkod-bayan ay nararapat na may tunay na kakayahan na kayang gampanan ang tungkulin sa pamumuno, may maayos ang kalusugang pampisikal, may kakayahang pangkaisipan at matatag na damdaming kinakailangan upang magampanan ang mga tungkulin nakaatang kalakip ang katapatang maglingkod sa pamayanan at tupdin ang kanilang mga naipangako sa bayan.
Batay sa tala Commission on Elections (Comelec), mayroong higit sa 18,000 ang mga bagong opisyal ng bayan, kabilang na ang posisyon sa pagkapangulo, pangalawang pangulo, 12 senador, 59 na partylist representatives at higit 18-libong posisyon sa lokal na pamahalaan kabilang na ang higit sa 230- district representatives at higit sa 80 governor.